PH team sasabak sa Indonesia soft tennis tournament

PH team sasabak sa Indonesia soft tennis tournament

December 1, 2022 @ 5:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pangungunahan ni Southeast Asian (SEA) Games gold medalist Noelle Nikki Camille Zoleta ang kampanya ng Pilipinas sa 6th Indonesia Soft Tennis Championships, na magsisimula sa Club Exsecutif Persada sa Jakarta, Indonesia sa Huwebes.

Si Noelle Nikki Camille at ang nakatatandang kapatid na babae, si Noelle Conchita Corazon Zoleta-Mañalac, ay kinoronahang doubles champion sa 2019 Manila SEA Games.

Si Joseph Arcilla, miyembro ng gold-winning men’s team sa 2019 SEA Games, at ang 2019 Asian University Soft Tennis Championships bronze medalist na si Princess Catindig ay makikita rin ang aksyon sa Jakarta, kasama sina Christy Sanoza at Sherwin Nuguit (University of Perpetual Help), Virvienica Isearis Bejosano (San Beda University), Fatima Amirul (National University), Thor Moralde (Letran College), Patrick Ares Mendoza (University of the East), at Bea Ebriega.

Pangalawang tournament para sa mga Filipino netters ang  6th Indonesia Soft Tennis Championships kasunod ng Korea Cup noong Setyembre.

Kasama ng mga atleta sina head coach Divine Escala at assistant coaches Michael Inrequez, Roel Licayan, at Bing Paguyo.

Samantala, nagsagawa ng open tryout ang Philippine Soft Tennis Association para piliin ang mga miyembro ng team para sa SEA Games sa susunod na taon sa Cambodia, Asian Games sa Hangzhou, China, at Asian Championships sa Thailand.

Ginanap ang tryout noong Nobyembre 4-6, Nobyembre 11-13, at Nobyembre 18-20, ayon sa pagkakasunod, sa Rizal Memorial Tennis Center sa Malate, Manila. JC