PH-US civil nuclear deal negotiations pinaplantsa na

PH-US civil nuclear deal negotiations pinaplantsa na

January 25, 2023 @ 4:02 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sisimulan na ng Pilipinas at Estados Unidos ang paghahanda para isulong ang civil nuclear cooperation, isa sa naging bunga ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Amerika noong Setyembre ng nakaraang taon.

Sinabi ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa isang event ng  Makati Business Club (MBC), araw ng Martes, Enero 24 na ikakasa na ng dalawang gobyerno ang “first official consultations” bilang paghahanda para sa 123 Agreement negotiations sa mga darating na linggo.

“Completing a 123 Agreement will allow for greater civil nuclear cooperation –including the export of nuclear technology,” ayon kay Carlson.

As of 2022, ang US government ay mayroong  23 civil nuclear agreements kabilang na sa mga bansang Argentina, Australia, Brazil, Canada, China, India, Indonesia, Japan, Kazakhstan, Mexico, Morocco, Norway, Russia, South Korea, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Arab Emirates, United Kingdom, Vietnam at Taiwan maging ang International Atomic Energy Agency (IAEA) at European Atomic Energy Community (Euratom).

Sa pamamagitan ng  123 Agreements, makakapagtayo ng legal framework na pinapayagan lamang ang paglilipat ng US-origin special nuclear material at maging ang export ng nuclear fuel, reactors at equipment.

Pinapayagan din ng civil nuclear cooperation ang US partners na makilahok sa mga nuclear programs ng Estados Unidos.

“This will be the first step in bringing nuclear power online to help address the Philippines’ energy needs,” ayon kay Carlson.

Nobyembre  2022,  sinabi ni Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) director Carlo Arcilla sa isang panayam na ang US ay isang critical partner para sa bansa sa gitna ng  advanced technologies at karanasan sa  nuclear energy ng Estados Unidos.

Matatandaang tinintahan ni dating  Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order na nag-aatas na pag-aralan ang pagsama ng nuclear power sa ginagamit na enerhiya sa bansa.

Sa EO 164 na nilagdaan ni Duterte, nais nito na magkaroon ng posisyon ang Nuclear Energy Program na magiging daan sa pag-unlad ng bansa at maibigay sa mga mamamayan ang tunay na serbisyo.

Inatasan ni Duterte ang Nuclear Energy Program-Inter Agency Committee (NEP-IAC) na gumawa ng rekomendasyon at palawakin pa ang pag-aaral kung maaari pang gamitin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) at maging daan ito sa pagtatayo ng iba pang pasilidad para sa paggamit ng nuclear energy.

Nakasaad din sa EO na ang nuclear power ang posibleng maging solusyon sa tumataas na pangangailangan sa suplay ng enerhiya kung saan ikokonsidera ang mga natutunan sa nakaraan at maging ang mga sinusunod na regulatory frameworks at best practices sa ibang bansa.

Ayon pa sa EO, titiyakin ng estado ang tahimik na paggamit ng nuclear technology kung saan ikokonsidera ang kaligtasan ng publiko, national security, energy self-sufficiency at maging ang pangangalaga sa kalikasan.

Base sa Public Perception Survey tungkol sa Nuclear Energy noong 2019, lumalabas na 79% ng mga Filipino ay sumusuporta sa posibleng paggamit at rehabilitasyon ng kasalukuyang nuclear power plant samantalang 65% ang sumusuporta sa pagtatayo ng bagong nuclear power plant at 78% ang nakahanda na magkaroon ng kaalaman tungkol sa nuclear energy. Kris Jose