PH-US Mutual Defense Treaty rebisahin – Defense chief

PH-US Mutual Defense Treaty rebisahin – Defense chief

September 9, 2021 @ 8:15 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na may pangangailangan na magsagawa ng komprehensibong pagrerebisa sa 1951 Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa kanyang komentaryo sa idinaos na ika-70 anibersaryo ng Philippines-US mutual defense treaty, sinabi ni Lorenzana na nais niyang “i-upgrade at update” ang nasabing tratado.

“Do we still need the MDT? Should we amend it? Or should we introduce new guidelines to make it more relevant and robust in the 21st century” ayon kay Lorenzana.

“What is clear is that we need a comprehensive review of our alliance, taking stock of the pros and cons of the MDT and what happened in the past 70 years,” dagdag na pahayag nito.

Aniya, habang ang MDT ay kapaki-pakinabang sa Pilipinas, hindi naman ito sapat para makatayo ang Pilipinas sa sarili nitong mga paa.

“We cannot be forever relying on others for our security,” ayon sa Kalihim.

“Helping the Philippines modernize its military would make it a more reliable and dependable ally to the United States in the pursuit of a free and peaceful Indo Pacific,” aniya pa rin.

Matatadaang, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagbawi sa pagtatapos ng Visiting Forces Agreement sa Estados Unidos.

Ang VFA ay isang bilateral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US na nagbabalangkas ng mga termino at kundisyon sa pagpasok at pagbisita ng armadong pwersa ng US sa bansa, na nagbibigay daan para sa mga aktibidad tulad ng Balikatan, o malakihang joint military trainings.

Inilalatag nito ang mga patakaran sa mga pribilehiyo sa paglalakbay na ibinibigay sa mga tauhan ng US; ang pag-import at pag-export ng mga kagamitan, materyales, at supply ng US, pati na rin ang movement ng mga aircraft, sasakyang-dagat, at sasakyan sa loob ng bansa. Tinutukoy din ng kasunduan ang mga karapatan ng parehong mga pamahalaan sa hurisdiksyon sa mga puwersa ng US na gagawa ng mga krimen habang nasa Pilipinas.

Ang VFA ay nilagdaan noong Pebrero 1998, sa ilalim ng termino ni Pangulong Fidel V. Ramos, at sinundan ng isang counterpart agreement noong Oktubre, tungkol sa mga tauhan ng Pilipinas na bibisita sa US. Ito ay agad napagtibay sa administrasyon ni Pangulong Joseph “Erap” Estrada, ang kahalili ni Ramos, at opisyal na ipinatupad noong Hunyo 1999 kasunod ng pagsang-ayon ng Philippine Senate.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta ang DND sa naging desisyon ng Pangulong Duterte. Kris Jose