PH-US war games, minamanmanan ng barko ng Tsina – Lorenzana

PH-US war games, minamanmanan ng barko ng Tsina – Lorenzana

April 5, 2022 @ 3:38 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Naghain ang Pilipinas ng isang panibagong diplomatic protest laban sa Beijing.

Kasunod ito ng umano’y pagmamanman ng barko ng Tsina sa ginagawang war games ng mga sundalong  Pilipino at Amerikano sa karangatang sakop ng Pilipinas.

“Meron kasi tayong exercise na nangyayari with the US force, US navy… minamanmanan nya,” anang Defense Secretary Delfin Lorenzana.

“So we protested, hindi pwede ‘yun na manmanan tayo diyan within our territorial waters,” dagdag niya.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), pumasok ang Chinese vessel sa katubigan ng Pilipinas nang walang permiso noong Enero 28 hanggang Pebrero 1, 2022 at nakarating sa karagatang sakop ng Cuyo Group of Islands sa Palawan at Apo Island sa Mindoro.

Sinita ito ng BRP Antonio Luna (FF-151) ng Philippine Navy pero iginiit na innocent passage ang kanilang ginawa.

Sa mga panahong iyon, nagsasagawa rin ng marine exercises ang Philippine Marine Corps (PMC) at ang United States Marine Corps (USMC) sa Palawan.

Giit ni Lorenzana, pinapayagan lang ang innocent passage sa mga lugar kung saan ang mga foreign vessels ay maaaring pumasok sa Balabac Strait at lumabas sa Palawan.

“Medyo sensitive ‘yan na area because itong dinaanan nung barko ng Tsina ay hindi na ito international waters. It is an internal water, it is the water between Palawan at saka yung Mindanao,” giit pa ng Kalihim. RNT/ JCM