PH Women football team pasok na sa World Cup

PH Women football team pasok na sa World Cup

January 31, 2022 @ 4:43 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Gumawa ng kasaysayan ang Philippine Women’s  Football team matapos makapasok sa FIFA Women’s World Cup nang talunin ang Chinese Taipei, 4-3, sa quarterfinals ng 2022 AFC Asian Women’s Cup.

Target talaga ng PH team na gumawa ng kasaysayan  sa makapigil hiningang football game na tumagal ng mahigit 120 minuto  kung saan nasungkit nila ang karapatang maging unang koponan ng bansa na makapaglalaro sa pinakamalaking event ng football.

Dahil sa panalo kontra sa Chinese Taipei sa Pune, India, maglalaro ang bansa sa unang pagkakataon FIFA Women’s World Cup.

Tabla ang laban sa 1-1 pagkatapos ng 90 minuto kaya nagdagdag pa ng ilang minuto.

Nagkaroon ng maraming tsansa ang Pilipinas sa unang kalahati ngunit hindi makalusot, na nagbigay sa laban ng walang goal na tabla sa pagtatapos first half.

Ilang sandali lang matapos ang pagbubukas ng second half, nakuha ng Pilipinas ang unang goal nito mula sa technical play sa pagitan nina Sarina Bolden, Katrina Gillou, at Quinley Quezada, kung saan ibinigay ni Quezada ang 1-0 lead para sa bansa.

Wala pang 10 minuto ang nalalabi, naihatid ni Zhou Li-Ping ng Chinese Taipei ang equalizer, na kalaunan ay nagdala ng laban sa dagdag na oras.

Hindi pa rin nagkatalo ang dalawang koponan sa dadag na 30 minutong ibinigay sa 2nd half at nagtapos pa ring tabla ang laban.

Dala ang matinding pressure, umiskor ang Pilipinas ng 4 na goal laban sa 3 ng Chinese Taipei sa penalty shootout para makuha ng bansa ang World Cup slot.

Makakaharap ng Pilipinas ang South Korea sa semis ng torneo sa Pebrero 3, habang sa kabilang bracket ay sasagupain ng China ang Japan.

Ang nasabing mga bansa ay nakapag-book na rin ng kanilang slot, kasama ang Australia na magiging host country ng Women’s World Cup sa 2023.

Ang pambansang koponan ng football ng kababaihan, sa ilalim ni coach Alen Stajcic, ang unang koponan na makakapag-book ng slot sa panlalaki o pambabae na World Cup.Rico Navarro