PHAPI: Mga problema sa PhilHealth claims ‘wag sanang mangyari sa Marcos admin

PHAPI: Mga problema sa PhilHealth claims ‘wag sanang mangyari sa Marcos admin

May 30, 2022 @ 3:25 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Umaasa ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) na mapagtutuunan ng pansin ng incoming Marcos administration ang PhilHealth claims.

Isa kasi ito sa problema ng outgoing Duterte administration.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PHAPI President Dr. Jose Rene De Grano na umaasa siya na hindi magkakaroon ng problema ang operasyon ng mga private hospitals na aniyay masyadong nakasandal sa mga reimbursement sa mga claim ng PhilHealth.

“Iyon po. Siguro po medyo ano eh… kasi po ‘yung pag-i-implement po ng Universal Health Care, ang primary agencies pong involved dito ay ang Department of Health at saka ang PhilHealth po,” ayon kay De Grano.

“At doon po sa naging karanasan namin noong nakaraang taon at ilang taon sa PhilHealth ay iyon po ang palagay ko na ang dapat pagtuunan ng pansin ng bagong administrasyon na sana po ay hindi tayo magkaroon ng problema sa ating mga claims sa PhilHealth nang sa ganoon po ay hindi magkaroon ng problema ang operasyon ng ating mga private hospitals na masyadong nagri-rely dito po sa mga reimbursement ng ating mga claims sa PhilHealth,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, sinabi ni Dr. De Grano na unti-unti nang nababayaran ng PHILhealth ang dapat nitong bayaran sa mga pribadong ospital bagamat hindi pa din kumpleto.

Kahit papaano ayon kay De Grano ay makapagpapatuloy sila sa kanilang operasyon habang umaasa aniya sila na matatanggap nila sa PHILhealth ang balanse pa ng kanilang claim. Kris Jose