PHAPI sa suspected monkeypox cases: Dalhin sa ospital para sa isolation, treatment

PHAPI sa suspected monkeypox cases: Dalhin sa ospital para sa isolation, treatment

July 30, 2022 @ 2:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Pinayuhan ni Dr. Jose Rene De Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc., nitong Sabado ang mga hinihinalang monkeypox cases na dalhin sa isolation facilities para magamot.

“Hindi po puwedeng sa bahay iyan pagka talaga pong suspect [monkeypox case]. Suspek po ng monkeypox ay kailangang i-isolate siya sa isang area,” giit ni de Grano.

“Kung talagang monkeypox ‘yan, kung maaari, huwag munang iano sa bahay at baka mas dumami po,” dagdag niya.

Ito ang nahing komento ni De Grano matapos tanungin ukol sa unang monkeypox case na naiulat sa bansa, na inanunsyo ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes.

Dumating ang pasyente sa bansa noong Hulyo 19. Sinabi ni DOH Undersecretary Dr. Beverly Ho na nanggaling ang indibidwal sa mga bansa kung saan laganap ang monkeypox, at sumailalim lamang sa test para sa sakit nitong Huwebes.

“The case has been discharged well and is undergoing strict isolation and monitoring at home,” ani Ho, at sinabing nakapagtala ang DOH ng 10 close contacts ng pasyente.

Iginiit ni de Grano na kinakailangang dalhin sa ospital ang suspected cases dahil may isolation areas ang mga ito.

“Yes po kasi ang mga ospital maraming may mga isolation areas po yan. Miski mga COVID areas hindi naman ‘yan isang ward. May kanya-kanyang room ‘yan, separate na mga isolation areas,” aniya.

“Pero ‘pag ganitong klase na — medyo bago kasi ito — gusto nating matiyak na talagang monkeypox ba talaga ito and then kailangang i-isolate natin nang sa gayun ay maibigay natin ang proper treatment,” dagdag ni De Grano.

Idinagdag pa niya na hiwalay din ang suspected monkeypox cases mula sa mga pasyente ng COVID-19.

“Separate po yan. Kahit pare-parehong COVID yan, may kanya-kanyang room ”yan usually,” pahayag niya.

Sinabi ng PHAPI official na handa ang mga pribadong ospital sakaling magkaroon ng karagdagang monkeypox cases sa bansa. RNT/SA