Pharmacies, drugstores bilang vaccination sites sinisilip ng NTF- adviser

Pharmacies, drugstores bilang vaccination sites sinisilip ng NTF- adviser

January 16, 2022 @ 2:00 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Nakikipag-usap na ang pamahalaan sa pharmacies at drugstores ukol sa posibilidad na gamitin ang mga ito bilang vaccination sites, ayon kay National Task Force Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa nitong Linggo.

“Nakipag-usap ang National Task Force last week sa ating private mga botika at pharmacies. Magkakaroon tayo ng parang trial na isu-supply ang bakuna [sa kanila],” pahayag ni Herbosa.

Ipinaliwanag niya na dahil maraming healthcare workers sa mga ospital ang tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19), ilang vaccinators ang kinakailangang bumalik sa mga ospital.

Dahil dito, naghahanap ang pamahalaan ng alternatibo sa pagbabakuna sa bansa sa kabila ng kakulangan sa mga magbabakuna.

Isa sa mga solusyong nakikita nila ang paghingi ng tulong mula sa pribadong sektor.

“‘Yun ang naging solusyon natin diyan sa pagkonti ng mga vaccinators. Sabi namin, baka willing naman ang private sector. At totoo naman, may mga drugstore brand—hindi ko naman masabi ang pangalan kasi private—sila ay willing maging vaccine sites,” aniya.

Iginiit naman ni Herbosa na sapat ang suplay ng bakuna sa bansa.

“Ang naiturok natin, ‘yung kalahati, 110 million. So parang meron tayo sa supply natin na about 90 million, so good for about 50 million people,” sabi ni Herbosa. RNT/SA