PHI-NADO, matatag sa anti-doping rules

PHI-NADO, matatag sa anti-doping rules

March 31, 2022 @ 3:54 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Aprubado ng World Anti-Doping Agency (WADA) ang binuo at isinusulong na National Anti-Doping rules ng Philippine National Anti-Doping Organization (PHI-NADO).

Mismong si Dr. Alejandro Pineda, head ng PHI-NADO, ang nagpahayag na masinsin ang ginawang pagtalima ng PHI-NADO sa kautusan at regulasyon na ipinapatupad ng WADA upang maibigay ang karampatang serbisyo para sa atleta at coaches sa National Team.

“Very strict and WADA pagdating sa implementation ng rules and regulation. Para sa kaalaman ng lahat PHI-NADO is the only WADA recognized entity in the Philippines. After a thorough evaluation, WADA approved the implementation of our National Anti-Doping rules, naka-aligned ito sa WADA Code 2021 which included the implementation of anti-doping education and management,” pahayag ni Pineda, Country Member din sa Southeast Asian Region Anti-Doping Organization (SEA-RADO) sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ via Zoom.

Ayon kay Pineda, maingat ang pagkilos ng PHI-NADO, higit sa implementasyon ng mga programa sa education and awareness upang makaiwas sa mapatawan ng ‘non-compliance’ na tulad nang nangyari sa North Korea, Thailand at Indonesia na pawang nasuspinde ng WADA.

“Kaya kailangan proper yung system natin, mahigpit ang WADA, pag di nakasunod mapapatawan talaga ng non-compliance. But now, naayos na ng Thailand at ang Indonesia allowed na rin maging host ng Asean paralympics sa July after mabago nila ang sistema,” ayon kay Pineda sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at Pagcor.

Sa kabila ng pagdepende ng PHI-NADO sa Philippine Sports Commission (PSC) pagdating sa budget, iginigiit ng WADA ang pagkakaroon ng ‘operational independence’ sa PSC at Philippine Olympic Comitteee (POC).

Bilang pagpapalakas sa educational awareness, patuloy ang isinasagawang on-line seminars para sa mga atleta at coaches, higit sa mga miyembro ng Philippine Team na isasabak sa SEA Games sa susunod na buwan sa Hanoi, Vietnam.

“Regular naman yun coordination natin sa sports association, but still, we have to pursue education awareness para makaiwas ang ating mga atleta sa ‘accidental doping’. May mga atleta naman na nasa tracking ng WADA kaya kailangan nating bantayan para hindi masuspinde,” ayon kay Pineda.

“Play true, Play clean, Play fair. Nope to Dope. Ito yung call namin, Kailangan maging aware tayo sa lahat ng ating gagawin,” aniya.

Ilang insidente na rin ang kinasangkutan ng atletang Pinoy na nauwi sa suspension at pagbawi ng medalya, ngunit ang isyu ay pawang ‘accidental doping’

“Kailangan talaga maging mapagmasid tayo at maalam. Meron ngang nangyari na uminom ng supplement na chocolate, without knowing na may halong substance na ipinagbabawal ng WADA. Iba ito sa ‘intentional doping’ na nangyari sa Tour de France,” pahayag ni Pineda.

Sinang-ayunan ni beach volleyball star Jovelyn Gonzaga ang kahalagahan ng edukasyon at awareness para makaiwas sa anumang suliranin na kaagapay sa anti-doping rules.

“Kaminaman po laging ginagabayanng aming conditioning coach kaya nababantayan yung mga iniinom namin,” ayon sa 26-anyos na si Gonzaga na isang Sarhento sa Philippine Army.Rico Navarro