PhilHealth: 5% premium rate hike kasado sa 2024

PhilHealth: 5% premium rate hike kasado sa 2024

January 5, 2023 @ 3:24 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng PhilHealth nitong Huwebes na tuloy ang premium rate increase sa 5% sa 2024 alinsunod sa Universal Health Care (UHC) law, maliban na lamang kung suspindehin ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ang inihayag ni PhilHealth’s Acting Vice President for Corporate Affairs Rey Baleña kahit na ipinag-utos ni Marcos kamakailan ang suspensyon ng premium rate hike sa 4.5% mula 4% sa taong ito, maging ang adjustment ng income ceiling sa P90,000 mula sa P80,000.

“Ang sinuspinde ay itong 2023. Ngayon, wala pa namang abiso o instruction para sa susunod na taon, sa 2024,” ani Baleña.

“Kung bubuti ang lahat at wala namang magiging abiso ang ating Pangulo, ay tuloy po ayon sa schedule sa Universal Health Care Law ay 5% ‘yung ating premium rate at ‘yung ceiling ay P100,000,” dagdag niya.

Ang scheduled increase ay alinsunod sa UHC, na nilagdaan noong 2019 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nakasaad sa batas ang pagtataas sa PhilHealth contribution rate hanggang umabot ito sa 5% sa 2024.

Inihayag ni Baleña nitong Miyerkules na umaasa itong aamyendahan ng Kamara ang UHC sa 2024, sa gitna ng suspensyon ng premium rate increase para sa taong ito.

Dahil sa suspensyon, sinabi ni Baleña na kailangang magkasa ng PhilHealthng mga pagbabago sa deployment ng mga bagong benepisyo na nakatakdang ipatupad ngayong taon, gaya ng severe acute malnutrition package at ng outpatient mental health package. RNT/SA