PHILHEALTH PINALAWIG ANG HEMODIALYSIS SESSION HANGGANG 144 NGAYONG 2021

PHILHEALTH PINALAWIG ANG HEMODIALYSIS SESSION HANGGANG 144 NGAYONG 2021

July 10, 2021 @ 8:41 PM 1 year ago


SA ating programang “Health & Travel @ Serbisyo Publiko” sa DWBL 1242 at “Caritas in Action” sa  Radio Veritas 846 kHz, Ang Radyo ng Simbahan, napakaraming pasyente dumaraing na sana magkaroon muli ng karagdagang dialysis lalo pa’t malapit na maubos ang 90 hemodialysis session  na ipinagkakaloob ng Philippine Health Insurance Corporation.

Para sa taong 2021, pinalawig kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang binabayaran nito sa hemodialysis hanggang 144 sessions upang makatulong sa maraming Filipino na nangangailangan ng pagpapa-dialysis dahil sa malubhang sakit sa bato o end-stage renal disease.

Ayon sa PhilHealth Circular No. 2021-0009 na agad nagkabisa kasabay ng paglathala nito noong Hulyo 2, 2021, ang karagdagang coverage para sa ika-91 hanggang ika-144 sessions ay magagamit lamang para sa outpatient hemodialysis ng mga pasyenteng rehistrado sa PhilHealth Dialysis Database.

Dahil sa nasabing extension, aabot sa P374,400 ang benepisyong maaaring makamtan ng isang pasyente para sa kanilang gamutan ngayong taon. Maaari ring magamit ng kanilang qualified dependents ang nasabing benepisyo.

 

Siniguro naman ng PhilHealth na maaaring mag-direct file sa kanila ang mga pasyenteng lumampas na sa 90-session limit at nagbayad nang buo para sa kanilang dialysis bago pa malathala ang extension na ito upang makakuha ng refund.

 

Nilinaw pa ng PhilHealth na maaaring maka-avail ang mga pasyente ng maximum na 144 sessions ngayong 2021 kung ang kanilang pagda-dialysis ay batay sa prescription ng kanilang duktor.

Maliban sa hemodialysis, nagbibigay din ang ahensya ng ayudang nagkakahalaga ng P270,000 kada taon sa mga pasyenteng sumasailalim sa peritoneal dialysis. Mayroon din itong Z Benefits para sa kidney transplantation na nagkakahalaga ng P600,000 para sa mga kwalipikadong renal patients.

Para sa karagdagang impormasyon, tumawag PhilHealth Action Center (02) 8441-7442 o magpadala ng e-mail sa [email protected]. ###