Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems bill umarangkada na sa Kamara

Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems bill umarangkada na sa Kamara

November 23, 2022 @ 10:28 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 6069 o ang panukalang Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems Act.

Sa ilalim ng HB 6069 ay binibigyang-proteksyon at ipinakikilala sa publiko ang indigenous at traditional writing scripts sa bansa bilang bahagi ng yamang kultura ng Pilipinas.

Pinalalakas din nito ang indigenous writing systems bilang simbolo ng tradisyon at pagkakakilanlan nating mga Filipino.

Sa ilalim ng panukala, isasama ang mga sistema ng pagsusulat na ito sa mga asignatura sa basic at higher education.

Gagawin din itong elective o specialized courses sa Kolehiyo.

Dagdag pa, sa ilalim ng HB 6069, sisiguruhin ang maayos na pagtatago ng mga dokumento at oral evidence na may kinalaman sa writing system ng bansa at itatakda ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bilang ahensya na magpapatupad ng mga panuntunan kaugnay nito.

Katuwang ng NCCA ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) para sa kanilang technical expertise sa pagpapaunlad ng lenggwahe at pagsusulat sa bansa kasama ang Department of Education, Commission on Higher Education, at iba pang ahensya.

Inaasahan na aaprubahan na sa huling pagbasa ng Kamara ang naturang panukala sa susunod na tatlong araw. RNT/JGC