Philippine Legislative Police muling binuhay sa Kamara

Philippine Legislative Police muling binuhay sa Kamara

November 28, 2022 @ 7:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Binuhay ngayon sa Malaking Kapulungan ng Kongreso na maisabatas ang panukalang magtatatag ng tinatawag na “Philippine Legislative Police” (PLP) na siyang tututok sa seguridad ng mga miyembro ng Kongreso.

Inihain ni Probinsyano Ako Partylist Rep. Rudys Caesar Fariñas ang House Bill 6253, na naunang isinulong noon ng kanyang ama na si dating Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas.

Pangunahing layunin ng nabanggit na panukala ng batang Fariñas na magkaroon ng sariling security force para sa mga miyembro ng Senado at Kamara.

Kabilang din sa magiging gampanin ng malilikhang PLP ay hindi lamang mabantayan ang mga mambabatas kundi ang protektahan ang mga ari-arian ng dalawang Kapulungan.

Kasama sa poprotektahan ng PLP ang pamilya ng mga mambabatas, ang asawa at kaanak ng mga mambabatas hanggang “2nd degree of consanguinity”, depende sa banta sa kanilang buhay.

Sa pamamagitan din ng PLP, maaaring ipatupad ng Kongreso ang “contempt powers” nito at magsilbi ng mga subpoena at warrants na maaaring iisyu ng Kongreso.

Nakapaloob din sa panukala na magiging parte ng PLP ay mayroong kaparehong kwalipikasyon, sweldo, benepisyo, retirement age, at ranggo na katulad sa Philippine National Police o PNP. Meliza Maluntag