PHIVOLCS NAGBABALA SA NAGKALAT NA VOLCANIC DEBRIS SA BATANES

PHIVOLCS NAGBABALA SA NAGKALAT NA VOLCANIC DEBRIS SA BATANES

November 26, 2021 @ 4:11 PM 2 months ago


PINAG-IINGAT ng PHIVOLCS o ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang mga residente at mga dumaraang bangka at barko sa paligid ng Batanes island dahil sa pagkakaroon ng presensia ng “pumice stones” at volcanic debris mula sa naganap na submarine eruption ng Fukutoku-Okanoba Volcano sa Bonin Island group, Japan noong August 13, 2021.

 

Ipinarating sa Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang presensya ng volcanic materials na unang napansin sa Batan at Sabtang islands noong November 21 at ngayon ay nasa Sitio Maydangeb, Ivana na.

 

Ayon sa PHIVOLCS, ang mga lumulutang na “pumice stones” ay puwedeng maging dahilan ng pagkasira ng mga makina ng mga sasakyang pandagat, mamamatay din diumano ang mga isda at iba pang marine life dahil natatabunan nito ang init mula sa araw, nakakain ito ng mga isda na kanilang ikinamamatay, at malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng seawater contamination.

 

Dagdag pa ng PHIVOLCS, ang volcanic eruption bagamat nasa katubigan ay nakaapekto sa fishing industry ng Okinawa, Japan.  

 

Kaya rekomendasyon ng PHIVOLCS, ipagbawal muna ng lokal na pamahalaan ang paliligo sa mga baybayin ng dagat na may presensya ng volcanic debris, at atasan ang mga kaugnay na ahensiya katulad ng PCG o Philippine Coast Guard, BFAR o Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, OCD o ang Office of Civil Defense para sa kinauukulang babala at aksyon, at iba pang mga ahensiya.  

 

-ooOoo-

 

NORTE AT BIKOL MAGDURUGTONG NA

APRUBADO na sa House of Representatives ang isang panukala sa kostruksyon ng isang national highway na magdurugtong sa Bicol Region at sa mga lalawigan ng North Luzon at Central Luzon, ang tatawaging Pacific Palisades Superhighway.

 

Alinsunod sa House Bill No. 10335 na sinang-ayunan ng 206 na Kongresista, inuutusan ang DPWH o ang Department of Public Works and Highways na gawin ang isang national highway mula sa land-based Bicol region na binubuo ng mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Sorsogon sa mga lalawigan ng Quezon, Aurora, Quirino, Isabela at Cagayan.

 

May direktiba sa DPWH na makipag-ugnayan sa mga dadaanang mga lalawigan, lungsod at mga munisipalidad. Ang DBM o Department of Budget and Management ang siyang maghahanap ng pondo base sa rekomendasyon ng DPWH.

 

Ang pagkakaroon ng national highway sa North Luzon – Bicol Region ay noong 16th Congress pa sinimulang talakayin o noong taong 2013 ngunit kamakailan lamang nakalusot sa House Committee on Southern Tagalog Development at sa House Committee on Appropriations.