Phivolcs nakapagtala ng higit 1,300 aftershocks kasunod ng Abra quake

Phivolcs nakapagtala ng higit 1,300 aftershocks kasunod ng Abra quake

July 30, 2022 @ 4:45 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nakapagtala na ito ng 1,375 aftershocks mula nang yumanig ang magnitude 7.0 lindol sa Abra.

Sa bilang na ito, inilahad ng Phivolcs na 387 ang “plotted” hanggang nitong alas-7 ng umaga, na nangangahulugang naobserbahan ang seismic event sa tatlo o higit pang earthquake monitoring stations.

Inihayag ng Phivolcs na nagre-range ang aftershocks mula 1.5  hanggang 5.0.

Ang pinakabagong malakas na aftershock ay isang magnitude 4.0 na lindol, na naitala kaninang ala-1:33 ng madaling araw, kung saan ang epicenter nito ay nasa 3 kilometro northwest ng San Isidro, Abra.

Naramdaman naman ang Intensity II sa Bantay, Ilocos Norte, habang naitala naman ang Instrumental Intensity I sa Vigan City.

“This is an aftershock of the 27 July 2022 M7.0 Northwestern Luzon Earthquake,” pahayag ng Phivolcs.

Nauna nang nagbabala ang ahensya na magkakaroon ng aftershocks sa loob ng ilang araw hanggang buwan, matapos tukuyin ang magnitude 7 quake sa Abra bilang isang “major earthquake.”

Naitala naman ang mga pinsala sa istraktura, power lines, pader at tulay sa ilang lalawigan dahil sa kalamidad. RNT/SA