Physicians Act, inihain ni Gatchalian

Physicians Act, inihain ni Gatchalian

October 21, 2022 @ 5:33 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Naghain si Senador Sherwin Gatchalian ng isang panukalang batas na naglalayong magtakda ng akma at komprehensibong regulasyon sa larangan ng medisina, kabilang ang napapanahong pamantayan sa medical education, medical internship, at post-graduate medical education at pagsasanay.

Ipinapanukala ng Senate Bill No. 953 o Physicians Act ang paglikha ng Medical Education Council (MEC) sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED) na magtatakdada ng minimum required curriculum sa Doctor of Medicine, kabilang ang internship.

Magiging tungkulin din ng MEC ang pagkilala at pagpapahintulot sa pagbubukas ng bagong medical schools na tutupad sa itatakdang minimum requirements.

Ang MEC rin ang magtatakda ng bilang at standard qualifications ng administrative at teaching personnel, kabilang ang minimum requirements na makapasok sa isang kinikilalang kolehiyo ng medisina.

“Bilang isang sangay ng health science, kinakailangang sumabay ng medisina sa mga pagbabago sa practice, edukasyon, teknolohiya, at mga sistema. Kaya naman ang mga batas at pamantayan sa propesyon ng medisina ay dapat tugma sa pagbabago sa edukasyon, ekonomiya, lipunan, teknolohiya, at global advancements,” ani Gatchalian.

Iminumungkahi din ng Senador ang paglikha sa Professional Regulatory Board of Medicine (PRBM) sa ilalim ng Professional Regulation Commission (PRC).

Ang PRBM din ang magsasagawa ng Physician Licensure Examination (PLE) at siya ring magtatakda ng kwalipikasyon sa paglahok sa pagsusulit.

Lilikhain din ng panukalang batas ang Post-Graduate Medical Education Council (PGMEC) sa ilalim ng PRBM na siya namang magtitiyak sa kalidad ng post-graduate medical education at training.

Mungkahi rin ni Gatchalian na isailalim sa Integrated National Professional Organization of Physicians (INPOP) ang pagkakaroon ng kapangyarihang imbestigahan ang mga paglabag sa batas, Code of Ethics, rules and regulations, administrative policies, orders, at issuances.

Tutugunan din ng panukalang batas ni Gatchalian ang mga polisiyang hindi tinatalakay sa kasalukuyang batas sa larangan ng medisina.

Kabilang dito ang pagbubukas ng propesyon sa mga dayuhan, pagtatakda ng mga kaparusahan sa mga iligal na practice ng medisina, at pagbibigay depinisyon at kaparusahan sa mga medical malpractice. Ernie Reyes