Pilipinas, “low risk” na sa COVID-19 – DOH

Pilipinas, “low risk” na sa COVID-19 – DOH

March 15, 2022 @ 4:50 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Ikinokonsidera nang low risk sa COVID-19 ang lahat ng lugar sa Pilipinas.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maski ang mga lugar na nakasailalim sa Alert Level 2 ay mababa na rin ang banta ng COVID-19.

“Wala pa rin tayong muling nakikitang pagtaas ng kaso sa kahit anong lugar sa ating bansa,” ani Vergeire.

Dagdag pa ni Vergeire, pinatataas na ng ahensya ang vaccination rate sa mga lugar na nananatili sa Alert Level 2 nang sa gayon ay maibaba na ito sa Alert Level 1.

Samantala, patuloy namang pinagagaan ang mga restriksyon sa Metro Manila at 38 pang lugar sa bansa dahil sa mataas na vaccination rates at pagsunod ng mga tao sa minimum public health standards.

Paglilinaw naman ni Vergeire, ang terminong “Alert Level 0” ay terminong ginagamit lamang ng DOH at hindi pa ito pinal.

“Ito ‘yung term na, it’s like the stage, no, in our situation right now kung saan magkakaroon tayo ng mas manageable ang mga kaso, mas makikita natin na nakakaagapay ang ating heatlhcare system, mas mataas ang bakunahan,” paliwanag niya.

“Ibig sabihin ‘yung Alert Level 0 na terminology natin, it’s not a final term yet. Kausap natin ‘ang ating mga eksperto kahapon at sinasabi nga nila baka hindi yan ang dapat gawin na terminology,” dagdag pa ng opisyal.

Sabi pa ni Vergeire, ang mga pagbabago na mangyayari sa nasabing sitwasyon ay pagbabawas lamang sa mga kinakailangang pagtugon ng gobyerno.

“Hindi na po natin kailangan magpa-dedicate ng beds sa ating mga ospital, babalik na onti-onti ang non-COVID services, mai-integrate ang COVID-19 conditions na pumapasok sa ospital sa infectious disease unit ng isang ospital.”

Ngayong araw nang irekomenda ng mga alkalde sa Metro Manila ang pagsasailalim sa NCR sa “Alert Level 0.” RNT/ JCM