Pilipinas ‘low risk’ na sa hawaan sa COVID – Duque

Pilipinas ‘low risk’ na sa hawaan sa COVID – Duque

February 15, 2022 @ 8:25 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Maituturing na ngayon ang Pilipinas bilang “low risk” sa COVID-19 transmission, sinabi ng Department of Health nitong Lunes.

Sa lingguhang Talk to the People briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nakapagtala ang bansa ng negatibong two-week growth rate na -74% at low-risk average daily attack rate na 5.26 kada 100,000 indibidwal.

Sinabi ni Duque na lahat ng rehiyon sa bansa ay inuri sa low risk maliban sa Region 11, Cordillera Administrative Region, Region 6, at Region 12, na lahat ay nasa ilalim ng moderate risk.

Sinabi rin niya na ang bansa ay nasa ilalim ng mababang panganib para sa paggamit ng intensive care unit.

Ang pinakahuling mula sa DOH ay nagpakita na ang utilization ng kama ng bansa ay nasa 28.67%, ang mechanical ventilator utilization ay nasa 18.39%, at ang ICU utilization ay nasa 34.12%.

“Maganda po ang sinasabi nito. We are able to manage our cases and our health system’s capacity is very much prepared for any eventuality na kung magkaroon na naman ng saka-sakaling pagtaaas, makikita po natin na malaki ang ating excess at mababa po ang ating unit utilization rate,” sabi ni Duque.

Idinagdag niya na sa 6,315 na kabuuang kumpirmadong kaso ng admission noong Pebrero 13, 746 o 12% ay malubhang kaso at 347 o 5% ay kritikal na kaso.

Nauna nang inihayag ng Malacañang na mananatili sa Alert Level 2 status ang Metro Manila hanggang sa katapusan ng buwan.

Sinabi ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles na ang mga sumusunod na lugar ay sasailalim sa Alert Level 3:

  • Iloilo City,

  • lalawigan ng Iloilo

  • Guimaras

  • Zamboanga City

  • Davao de Oro

  • Davao Occidental

  • South Cotabato

RNT