Pilipinas, magdo-donate ng $100,000 sa Afghanistan

Pilipinas, magdo-donate ng $100,000 sa Afghanistan

April 5, 2022 @ 5:11 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang mag-donate ang Pilipinas ng $100,000 para suportahan ang humanitarian relief efforts sa Afghanistan.

Sa isinagawang virtual pledging conference noong Marso 31, inihayag ni Ambassador Evan Garcia ang pakikiisa ng Pilipinas sa mamamayang Afghan at ang pangakong susuportahan ang international programs na makatutulong para tugunan ang nangyayaring humanitarian crisis doon.

Inalala rin ni Garcia, na siyang Permanent Representative ng Pilipinas sa United Nations at iba pang International Organizations sa Geneva, ang pag-welcome ng bansa sa Afghan refugees noong nakaraang taon matapos silang sakupin ng Taliban.

“This is in line with our strong belief that we must open our doors to those fleeing their homelands because of fear of persecution,” saad niya.

Noong nakaraang taon, matatandaang naglunsad ang UN ng $4.4-billion funding appeal para sa Afghanistan para matugunan ang essential services para sa 22 milyong residente nito na nangangailangan ng tulong doon.

Ayon sa Human Rights Watch sumisipa na ang acute malnutrition sa nasabing bansa kung saan 95% ng mga kabahayan ang nakararanas ng kakulangan sa pagkain.

Bagsak rin ang healthcare system ng bansa habang sarado ang secondary schools ng mga kababaihan doon.

Sa ulat ng Agence-France Presse, hindi bababa sa 41 bansa ang nakiisa sa online event na inorganisa ng UN, kung saan kabuuang $2.44 billion donasyon ang nakolekta.

Kabilang rito ang Germany na nag-donate ng 200 million euros; United States, $204 million; at ang Britain, na nagbigay ng $380 million sa susunod na financial year. RNT/ JCM