Pilipinas, magsisilbing host ng 2033 Southeast Asian Games

Pilipinas, magsisilbing host ng 2033 Southeast Asian Games

July 14, 2022 @ 4:05 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Magiging host ulit ng Southeast Asian Games ang Pilipinas sa 2033.

Inanunsyo ito ng Olympic Council of Malaysia kahapon na kinumpirma naman ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino ngayong Huwebes.

Ayon kay Tolentino, inalok ang Pilipinas na mag-host ulit ng biennial meet sa isinagawang pulong ng SEA Games Federation Council sa Phnom Penh, Cambodia.

Aniya, ipiprisenta ng POC at ng SEA Games Council ang naturang hosting bid sa Malacañang.

“We offered a bid to host anew in 2033 and the council unanimously approved,” ani Tolentino.

“After presenting the hosting bid to the council, and following its approval, the POC and the SEA Games Council will ask the Philippine government to issue a letter of support. If the government declines, the hosting chores will be offered to another country,” dagdag niya.

Sakali namang payagan, ito na ang pang-limang beses na magho-host ng SEA Games ang bansa.

Unang nag-host ng SEA Games ang Pilipinas noong 1981, sinundan noong 1991, 2005 at pinakahuli noong 2019 kung saan itinanghal na overall champion ang bansa.

Sa ngayon, tanging ang Timor Leste na lamang ang bansa sa rehiyon na hindi pa nakakapag-host ng prestihiyosong palaro. RNT/ JCM