PILIPINAS NA LAMANG ANG WALANG BATAS UKOL SA DIBORSYO

PILIPINAS NA LAMANG ANG WALANG BATAS UKOL SA DIBORSYO

November 25, 2022 @ 1:10 AM 5 days ago


IBINALITA ni Department of Justice secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na may apat na panukala ang United Nations Human Rights Council na ni-reject ng bansa sa pagharap nito sa Universal Periodic Review sa Geneva, Switzerland.

Kinabibilangan ito ng mga nakabinbing kontrobersiyal na mga panukalang batas sa Kongreso kabilang ang SOGIE o ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression bill gayundin ang same sex marriage, abortion, at divorce.

Para kay secretary Remulla na siyang namuno sa delegasyon ng bansa, tinanggihan ng bansa ang mga nabanggit na panukala mula sa human rights council dahil ito katanggap-tanggap sa isang dominanteng Kristiyanong bansa.

Dagdag pa ng kalihim, iginiit ng UNHCR na tularan ng Pilipinas ang mga bansang na-sa Europa at Amerika na nagpapatupad na ng same sex marriage, abortion at divorce ngunit iba umano ang sitwasyon dito sa bansa, bagamat maraming problema, mataas parin ang pagtingin ng mga Pilipino pagdating sa usapin ng pamilya at buhay.

Ikinararangal umano ng mga Pilipino na tanging Pilipinas na lamang maliban sa Vatican City ang walang batas ukol sa diborsyo, bahagi umano ito ng pagbibigay proteksyon sa integridad ng pamilya.

Ang abortion ang isa sa mga hindi tinanggap ng ating pamahalaan para isabatas mula sa mga rekomendasyon ng United Nations kaugnay sa human rights.

Sang-ayon sa Revised Penal Code of the Philippines partikular ang Articles 256, 258 at 259 at sa Article II, Section 12 ng ating konstitusyon ng 1987, ipinagbabawal ang pagsasagawa ng aborsiyon sa bansa. Ngunit sa datus ng DOH o ng Department of Health, may mahigit 473,000 ang kaso ng aborsiyong nangyayari kada taon, at 12% ng mga namamatay na ina ay dahil dito. Sa 3.1 million nabubuntis sa bansa, 15% ang nagkakaroon ng spontaneous abortion at 15% din ang induced abortion.

Batay sa pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines Population Institute, karamihan sa mga babaeng nagpa-abort ay nasa edad na 20 hanggang 29, na karamihan ay kasal o di kaya naman ay nasa “live in arrangements” at galing sa malalaking pamilya.

Lumalabas rin sa pag-aaral na karamihan sa mga babaeng ito ay Romano Katoliko, edukado, may sapat na kaalaman sa sex education, at walang trabaho.