Pilipinas nanatiling ‘low risk’ sa COVID-19; NCR, CAR ‘moderate risk’ na!

Pilipinas nanatiling ‘low risk’ sa COVID-19; NCR, CAR ‘moderate risk’ na!

August 6, 2022 @ 10:00 AM 4 days ago


MANILA, Philippines- Nanatili pa ring nasa “low risk” classification para sa COVID-19 ang Pilipinas habang ang National Capital Region (NCR) at Cordillera Administrative Region (CAR) ay kasalukuyang moderate risk, sabi ng Department of Health (DOH).

Sa press briefing, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na halos 25,967 kaso mula Hulyo 29 hanggang Agosto 4.

“Patuloy ang pagtaas ng mga kaso na naga-average na ng 3,710 cases per day in the recent week. Mas mataas po ito ng 16% mula noong nakaraang linggo at tinatayang nasa same level ng cases nung second week of February this year,” sabi ni Vergeire .

“Nationally, nanatili tayong nasa low risk case classification na may daily average attack rate (ADAR) na 3.13 cases per 100,000 population,” dagdag pa ng opisyal

Sinabi ni Vergeire na ang CAR ay kasalukuyang nasa “moderate risk” case classification para sa COVID-19 na may ADAR na 6.10 kaso kada 100,000 population.

Samantala, sinabi nito na ang NCR at nasa moderate risk din at may ADAR na 8.67 kaso kada 100,000 population.

Nauukol ang ADAR sa insidente na nagpapakita ng average na bilang ng mga bagong kaso sa isang panahon bawat 100,000 tao.

Sinabi ni Vergeire na ang ibang mga rehiyon ay nanatili sa low risk classification.

Aniya, ang bilang ng malubha at kritikal na admission ay nananatiling mas mababa sa 1,000 kaso sa buong bansa.

Gayunpaman, sinabi ng DOH OIC, ang patuloy na mabagal na pagtaas ay naobserbahan mula noong unang bahagi ng Hulyo 2022.

Ayon pa kay Vergeire, sa kasalukuyan, 14.9% sa total admissions ang binubuo ng asymptomatic patients, habang 42.14% naman ang mild. Nanatiling mababa ang national admissions ngunit nagtatala ng slow inclined nitong nakaraang linggo.

Bumaba naman ang dedicated ICU beds ng 167 o nang 6% mula noong nakaraang linggo. Jocelyn Tabangcura-Domenden