Pilipinas, NCR ‘critical risk’ pa rin – Duque

Pilipinas, NCR ‘critical risk’ pa rin – Duque

January 18, 2022 @ 9:27 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Nananatiling nasa ilalim ng critical risk para sa COVID-19 ang Pilipinas, National Capital Region, at 5 iba pang rehiyon sa bansa sa kabila ng pagbagal ng growth rate ng infections.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ng gabi ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na maliban sa Pilipinas at metropolis, ang Cagayan Valley, Ilocos Region, Calabarzon, Cordillera Administrative Region at Central Luzon ay nasa critical risk din.

Aniya pa, ang percentage ng increase for daily reported cases ay bumaba rin.

Mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 27, ang average daily cases ay 314.

Kasunod nito, mula Disyembre 28, 2021 hanggang Enero 3, 2022, ang kaso ay tumaas ng hanggang 2,592 na mas mataas ng 725%.

“Subsequently, average daily cases from January 4 to January 10 were higher by 680% with 20,462 infections. But on January 11 to January 17, average daily cases were higher by 71% with 34,923 daily cases. So bumabagal, bumababa ang porsiyento ng pagtaas,” ayon kay Duque.

“Meanwhile, all other regions are at high risk classifications,” dagdag na pahayag nito.

At sa tanong kung ang mas nakahahawang Omicron coronavirus variant ay dominant variant, sinabi ni Duque na ang variant ay “already composing 90% ” ng pinakabagong genome sequencing.

“Ang Omicron ngayon sa latest run ng specimens sa genome sequencing, tumaas na po. Halos 90% ang natuklasan sa pamamagitan ng home genome sequencing,” ang sinabi ni Duque kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Umaasa naman ang Pangulo na ang infection ay magsisimulang mag- plateau.

“Kung sana mag plateau na, yung plateau is steady ang infection, o ‘di na dadagdag o yung tao na nakaharap ng covid na ito o lahat halos vaccinated, medyo may laban ka. Kung wala, maglibing tayo… punuin natin ‘yung ano natin yang mga cemetery natin,” ani Pangulong Duterte.

At nang hilingin ng Punong Ehekutibo kay Duterte na magpaliwanag kung bakit may ilang tao ang nakakakuha pa rin ng virus kahit ang mga ito ay nasa bahay lamang at nakasuot ng face mask kapag lumalabas ng bahay ay sinabi ni Duque na posibleng mali kasi ang pagsusuot ng face mask ng mga ito na kung minsan aniya ay “token compliance” lamang.

“Either mali ang pagsuot ng mask, token compliance, but it’s the wrong way. . . .Ang omicron sa upper respiratory namumuo, sa ilong, lalamunan, hindi namumuo sa lungs. Individuals with omicron can easily transmit it, konting salita, ubo, singa, nalilipat agad,” ani Duque.

Sa pagkakataong ito, sinabi ng Pangulo na “Sa’n na ba yung mask ko, bwisit itong Omicron,” na ikinatawa naman ng Kalihim.

Sa kabilang dako, sa ulat naman ni Interior Secretary Eduardo Año, sinabi nito na may kabuuang 540 lugar ang inilagay sa ilalim ng granular lockdown habang ang COVID-19 infections ay patuloy na tumataas sa bansa.

Sa 540 na lugar, karamihan sa mga ito ay mula sa Region 2 na mayroong 191 lugar, sinundan ng Cordillera Administrative Region na may 143 at Region 1 na may 123.

May kabuuang 31 lungsod at munisipalidad at maging 268 villages naman ang apektado ng granular lockdown.

Idagdag pa na may 717 kabahayan at 1,482 indibiduwal ang apektado ng strict lockdown.

Samantala, tinukoy pa rin ni Año na mayroong 4,801 active infections sa Interior department, kabilang na siya.

Sa nasabing bilang, karamihan ay mula sa Philippine National Police na mayroong 4,015 kaso. Kris Jose