Pilipinas pinasok na ng monkeypox!

Pilipinas pinasok na ng monkeypox!

July 29, 2022 @ 2:23 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Naitala na sa Pilipinas ang unang kaso ng monkeypox, ayon sa kumpirmasyon ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ngayong Biyernes.

Sa isang briefing sa Malacañang, kinilala ni Health Undersecretary Dr. Beverly Ho na ang pasyente ay 31 taong gulang. Hindi na idinetalye pa ang ibang impormasyon tungkol sa pasyente, kabilang ang kasarian.

Ang monkeypox ay isang impeksyon na kahawig ng bulutong at unang nakita sa mga tao noong 1970, pero hindi ito gaanong mapanganib at nakakahawa kaysa sa bulutong.

Ang mga unang sintomas ay ay lagnat, pananakit ng ulo, matinding pananakit ng kalamnan, pagkapagod, pantal, pati na rin ang namamaga at masakit na mga lymph node, ayon sa isang tagapagpaliwanag ng Agence France-Presse.

Idineklara ng World Health Organization (WHO) noong Hulyo 23 ang monkeypox outbreak – na nakaapekto sa halos 16,000 katao sa 72 bansa, na isang global health emergency.

Siyamnapu’t limang porsyento ng mga kaso ay nailipat sa pamamagitan ng sekswal na aktibidad, ayon sa isang pag-aaral ng 528 katao sa 16 na bansa na inilathala sa New England Journal of Medicine.

Sa pangkalahatan, 98% ng mga nahawaang tao ay bakla o bisexual na mga lalaki, at humigit-kumulang isang-katlo ang kilala na bumisita sa mga sex-on-site na lugar gaya ng mga sex party o sauna sa loob ng nakaraang buwan. RNT