Pilipinas, top tier sa U.S. anti-human trafficking report

Pilipinas, top tier sa U.S. anti-human trafficking report

July 20, 2022 @ 5:47 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Napanatili ng Pilipinas ang tier 1 ranking nito sa 2022 anti-human trafficking report ng U.S. Department of State.

Ayon sa ahensya, ang mga bansa at teritoryong nakakasama sa Tier 1 ay nangangahulugang naabot ng kanilang gobyerno ang minimum standards ng U.S. Trafficking Victims Protection Act of 2000 sa pagsawata sa human trafficking.

Kaugnay nito, pinuri ng U.S. State Department ang seryoso at walang humpay na pagpupursige ng Pilipinas na masugpo ang human trafficking sa kabila ng pandemya.

Kabilang sa pinuri ng Amerika ay ang pagtatatag sa Department of Migrant Workers na inaprubahan noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero sinita naman nito ang matamlay nap ag-iimbestiga ng bansa sa mga labor trafficking crimes gayundin ang hindi pag-aresto sa mga indibidwal na sangkot sa commercial sex activities.

Kaugnay nito, iminungkahi ng state department sa gobyerno ng Pilipinas na paigtingin ang mga hakbang nito sa pag-aresto at paghatol sa labor traffickers at pagtulong sa mga biktima ng human trafficking. RNT/ JCM