Pimentel, naalarma sa P1.6T pambayad-utang ng PH sa 2023

Pimentel, naalarma sa P1.6T pambayad-utang ng PH sa 2023

October 17, 2022 @ 11:10 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Lubhang ikinabahala ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang lumolobong debt servicing costs o badyet na inilaaan sa pagbabayad ng utang-panlabas ng bansa.

Sinabi ni Pimentel na umabot sa P1.630 trilyon ang ipambabayad sa utang ng pamahalaan mula sa P5.268 trilyong pambansang badyet sa 2023 na mas mataas na 18.65 porsiyento kumpara sa 2022 debt service costs.

Aniya, katumbas ang naturang halaga ng 6.85 porsiyento ng gross domestic product ng bansa.

“Ang ibig sabihin nito, P1.6 trillion ang ating pagsisikapan, pagpapawisan, pagtatrabahuhan plus uutangin din para lang makabayad tayo ng utang,” ayon kay Pimentel sa pahayag.

Sinabi ni Pimentel na naibabayad ang naturang kritikal na pondo sa utang sa halip na gamitin sa gastusin ng pamahalaan sa panlipunan at kalusugan.

Aniya, mula sa P1.630 trilyon, P1.09 trilyon ang mapupunta sa principal amortization at P582.32 bilyon sa pagbabayad ng interest.

Umabot na sa mahigit P13.021 trilyon ang outstanding debt ng bansa sa pagtatapos ng Agosto at maaaring tumalon sa P14.63 trilyon sa pagtatapos ng 2023.

“Ang bawat isa sa 109 milyong Pilipino ngayon ay may utang ng P119,458,” ani Pimentel.

Dahil dito, sinabi ni Pimentel na dapat maging transparent ang lahat ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) sa paglalantad ng kanialng corporate operating budgets, kabilang ang pangungutang.

“You should be able to explain your financial statements in layman’s terms during our hearings so that anyone can understand them because extravagant spending of GOCCs, if there are any, contribute to the bottom line of our national debt,” ani Pimentel.

Ayon kay Pimentel, aabot sa P43 bilyon ang uutangin ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) at P5 bilyon ng National Power Corporation bilang pambili ng gatong at subsidies at malaking bahagi nito sa pagbabayad ng umiiral na utang.

“Since debts incurred by the GOCCs including the National Power Corporation, the Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation, and the Philippine National Oil Company form part of the national debt, it is only proper that the public is aware of how these corporations are spending their funds,” giit ni Pimentel. Ernie Reyes