Pimentel naghain ng reso vs madalas na palit-disenyo ng pera ng BSP

Pimentel naghain ng reso vs madalas na palit-disenyo ng pera ng BSP

December 16, 2021 @ 1:10 PM 9 months ago


MANILA, Philippines- Naghain si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ng isang resolusyon na naglalayon na imbestigahan ang “frequent and apparently purposeless” na pagpapalit ng Bangko Sentral ng Pilipinas’ (BSP) sa disenyo ng Philippine peso coins at banknotes.

“Now, therefore, be it resolved by the Senate of the Philippines, as it is hereby resolved, to direct the proper Senate committee to conduct an investigation, in aid of legislation, as to the frequent and apparently purposeless changes in the design of our Philippine Peso coins and notes initiated by the BSP,” giit ni Pimentel.

Sa paghahain ng Senate Resolution 362, binanggit ni Pimentel ang 2009 “massive redesign” ng Philippine bank notes para sa karagdagang seguridad at pagpapatibay sa pera,  mula sa inilunsad na “New Design Series” (NDS) noong 1985 sa “New Generation Currency Series” (NGC) noong 2010.

Nitong 2018, ipinakilala naman ng BSP ang NGC Coins Series, na bumago sa lahat ng disenyo ng barya sa bansa at inilabas  noong Marso 2018.

Binigyang-diin din ni Pimentel ang anunsyo ng BSP noong 2019 sa bago na namang disenyo ng five peso coin “due to the obvious public confusion it caused” sa bagong piso ng bansa.

Pinansin din ng senadot ang pagpapalit ng 20 peso banknote nitong Hulyo 2019 sa isang bagong bi-metallic twenty peso coin na mas malaki kumpara sa 10 peso coin at ipinakalat sa publiko sa kalagitnaan ng 2021.

Kasama rin sa kanyang resolusyon ang anunsyo ng BSP noong Disyembre 11, 2021 na nagpapakita ng “complete overhaul” ng NGC 1,000 peso note sa pagpapalit ng imahe ng World War II heroes at mga martyr na sina Chief Justice Jose Abad Santos, Brigadier General Vicente Podico Lim, at Josefa Llanes-Ecoda sa imahe naman ng isang Philippine eagle.

Hindi rin pinalampas ni Pimentel ang mali-maling pagbabaybay sa mga nakasulat sa pera gaya na lamang ng pangalan ng dating presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo at scientific name ng Philippine Eagle.

Ayon sa mambabatas, nais niyang matukoy ang mga ahensya o opisina na kasama o kinonsulta  sa pagpapalit ng mga bagong disenyo ng pera ng bansa; ang epekto nito sa mga Pilipinong nagbabayad ng buwis;  ang mga kinaharap na hamon ng BSP nang i-demonitize ang NDS; ang dahilan sa pagpapalit sa disenyo ng P1,000 banknote; at kung tunay ngang “limited series” ang P1,000 polymer note batay sa anunsyo ng BSP.

“There is a need to inquire into the reason for the BSP’s rather arbitrary and hasty changes in our monetary design for the purpose of crafting legislation on this matter,” sabi ni Pimentel. RNT/SA