Pimentel sa 433 lotto jackpot winners: ‘Kataka-taka’

Pimentel sa 433 lotto jackpot winners: ‘Kataka-taka’

October 2, 2022 @ 2:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kataka-taka para kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang pagkapanalo ng aabot sa 433 lotto bettors sa 6/55 Grand Lotto draw kahapon, Oktubre 1.

Dahil dito ay nais niyang ipabusisi sa pamamagitan ng pagdinig sa Senado ang tinawag niyang “strange at unusual” na insidenteng ito.

“Katakataka yung result na yan. Yung 433 ang mananalo, supposed to be ang chances mo diyan is 1 in how many millions. So ibig sabihin, ganun kahirap dapat tamaan yan and then to say na 433 ang tumama, there is something suspicious,” ani Pimentel sa panayam ng DZBB ngayong Linggo, Oktubre 2.

“Talagang marami po ang nagtaka, na medyo nagulat to ensure the integrity of our lotto games,” dagdag pa niya.

Si Pimentel ay 1990 Bar topnotcher at gold medalist sa Mathematics noong nag-aaral pa ito, dahilan upang maidiin niyang hindi pangkaraniwan ang ganitong pangyayari.

“We have to look at the entire system of our lotto games. This is a good chance kasi maraming nagtatanong,” pagdidiin niya.

Dahil dito ay hayagan ang pagnanais ng Senador na magsagawa ng pagdinig at aalamin rin niya ang opinyon ng mga statistician at mathematician kaugnay ng resulta ng lotto draw.

“Tanungin natin ang PCSO kung mga lucky pick (LP) ba itong mga winners na ito, that means system-generated yung number nung tumaya pero therefore there is nothing random about their LP kasi ibig sabihin nun binigay nila sa 400 plus katao, umulit-ulit. Millions po ang combination diyan,” dagdag ni Pimentel.

“So tatanungin na lang natin sa PCSO. Before this draw, anong pinakamaraming winners sa 6/55? Siguro sasabihin nila dalawa lang eh. So we have to look at it,” pagtatapos nito.

Nagpaabot naman ng suporta ang kasamahan na si Senator Risa Hontiveros upang paimbestigahan ang nakagugulat na dami ng mga nanalo sa draw na ang jackpot prize ay P236-milyon. RNT/JGC