Pinabilis na pagbibigay ng ayuda ng DSWD pinuri ni Romualdez

Pinabilis na pagbibigay ng ayuda ng DSWD pinuri ni Romualdez

August 18, 2022 @ 9:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamumuno ni Secretary Erwin Tulfo sa pagsasaprayoridad ng pagbibigay ng financial assistance sa mga indigents o mahihirap na Pilipino, at sa pinaikling proseso sa pagtanggap ng ayuda.

Kung dati, aabot sa tatlo hanggang limang araw bago matanggap ng indigents ang ayuda mula sa gobyerno, sa ilalim ng pamumuno ni Tulfo ay ginawa na lang itong isang araw.

Ang papuri ni Romualdez ay matapos na mag-courtesy call si Tulfo kasama ang mga opisyal ng DSWD sa pangunguna nina Undersecretaries Niña Taduran at Jerico Javier sa House of Representatives.

“I commend Sec. Tulfo for this remarkable feat of responsible governance. His efforts only prove that no amount of barriers in the bureaucracy can stop the will of a strong leadership seeking efficiency in government processes,” anang House Speaker.

Sinabi ni Romualdez na ang hakbang na ito ay magiging mahalaga para sa mga serbisyo tulad ng tulong medikal, kung saan ang pinakamahalaga ang oras.

“Sec. Tulfo recognizes this and has implemented measures to ensure that indigents receive the aid at a time they need it most,” dagdag pa ng House Speaker.

Pinag-usapan nina Romualdez at Tulfo ang kamakailang pag-streamline ng mga proseso sa DSWD para mabawasan ang panahon ng pagproseso ng tulong medikal para sa mga mahihirap, bukod sa iba pa.

Kasama nila sa pagpupulong sina Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Iloilo Rep. Raul Tupas, Quezon Rep. David Suarez, at Alona Party-list Rep. Anna Marie Villaraza-Suarez. RNT