Pinagkukunan ng tubig sa Sorsogon, kontaminado ng abo – NDRRMC

Pinagkukunan ng tubig sa Sorsogon, kontaminado ng abo – NDRRMC

June 7, 2022 @ 3:45 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Kontaminado ang pinagkukunan ng tubig sa Juban, Sorsogon dahil sa abo mula sa Bulkang Bulusan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.

“Nagkaroon ng problema sa patubig ‘yung community na spring water ang pinagkukunan dahil exposed ito at nalagyan ng abo,” pahayag ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal sa Laging Handa public briefing.

Inihayag ni Timbal na nag-deploy na ang lokal na pamahalaan ng water tankers upang magbigay ng suplay sa mga apektadong komunidad. Namahagi rin ang pribadong sektor ng bottled water.

Gayundin, nagbigay ang Philippine Red Cross ng parehong suplay sa mga komunidad.

Nang tanungin ukol sa posibilidad ng pagdeklara ng state of calamity, sinabi ni Timbal, base kay Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero, na ang sitwasyon ay manageable pa sa lebel ng local government units.

Aniya, walang napinsalang bahay at maging ang  government services at public utilities such gaya ng tubig, kuryente, at linya ng komunikasyon ay maayos.

Ayon kay Timbal, may kabuuang 216 indibidwal ang lumikas dahil sa ashfall.

Matatandaang nitong Linggo, nakapagtala sa Bulusan Volcano ng phreatic eruption na tumagal ng 17 minuto dahilan para ilikas ng lokal na pamahalaan ang mga residente. RNT/SA