PINAIGTING NA OCCUPATIONAL SAFETY AND HEALTH LAW

PINAIGTING NA OCCUPATIONAL SAFETY AND HEALTH LAW

June 4, 2021 @ 8:02 AM 2 years ago


SA kabila ng pagsasabatas ng Republic Act 11058 o tinatawag na “An Act Strengthening Compliance With Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof,” may mangilan-ngilan pa ring employer, manager, supervisor at iba pang nagpapatrabaho ang tila hindi takot sa pangil nito kaya patuloy pa rin ang kanilang pagsuway.

Hindi yata nila nalalaman ang bigat ng kanilang responsibilidad at pananagutan na nakasaad sa naturang batas.

Kaya naman bukod sa pag-aasikaso sa welfare ng mga manggagawang inatake ng pandemya, patuloy na tinututukan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang implementasyon ng batas para mapatawan ng multa ang sinomang employer na hindi susunod dito (happy birthday in advance nga pala, Sec. Bebot).

Iyon nga lang mukhang hindi pa rin sasapat ito dahil magpahanggang ngayon, isinusugal pa rin ng ilang abusadong nagpapatrabaho ang buhay ng mga walang muwang at hindi makatangging manggagawa.

Bukod sa shared photos and videos sa social media, may natatanggap din tayong mga reklamo ng unsafe act and condition mula sa mga concerned citizen na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Panahon na siguro upang dagdagan pa ang pagpapaigting ng batas sa safety and health.

Bukod sa multa, mas mainam siguro na isama sa panukala ang proteksyon para sa maaapektuhang non-employed personnel at ang pagpapataw ng parusang pagkakakulong para sa mga pabayang nagpapatrabaho.

Sa pamamagitan nito, masisiguro ang pag-iingat sa pagpa-plano at pagdedesisyon ng mga employer, manager at supervisor o nagpapatrabaho.

Maaasahan na rin ang palagian at agarang pagtugon ng kompanya para masiguro ang kapakanan at punan ang pagkukulang para sa ligtas at malusog na lugar ng paggawa.

 Para sa inyong mga komento, suhestiyon, sumbong o tanong kung papaano maging isang safety officer, mag-text sa +639455238284 o mag-email sa [email protected]