Pinaigting na sex education, HIV awareness target ni Gatchalian

Pinaigting na sex education, HIV awareness target ni Gatchalian

December 3, 2022 @ 12:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagnanais nito na palakasin pa ang comprehensive sexuality education kasunod na rin ng ulat ng mababang pagkaunawa ng mga kabataan sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).

Batay kasi sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFSS) ng University of the Philippines Population Institute (UPPI), mula 95% noong 1994 ng mga kabataang Pinoy edad 15 anyos hanggang 24 anyos na nakarinig na ng impormasyon ukol sa HIV at AIDS ay bumagsak ito sa 76%.

Ayon kay Gatchalian, ang resultang ito ay nangangahulugan na dapat pang palakasin ang sex education sa bansa lalo pa ang Pilipinas ay isa sa may fastest growing number ng kaso ng HIV sa Asia Pacific Region.

Dagdag pa rito, lumabas din sa pag-aaral na halos 52% ng mga kabataan ang may maling paniniwala na makakakuha ng HIV ang isang tao sa pamamagitan ng pagsalo sa pagkain sa isang infected nito.

Samantala, dalawa sa limang kabataan o 40% ang hindi naniniwala na kahit ang mga malulusog na tao ay maaaring magkaroon ng HIV.

Sa ulat ng Department of Health, tumaas ng 237% ang kasong HIV sa bansa mula 2010 hanggang 2020 at tumaas din ng 315% ang AIDS-related deaths o mula 200 noong 2010 sa 820 pagsapit ng 2020.

Ngayong taon din ay inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 13 na naglalayong siyasatin ang insidente ng pagtaas sa kaso ng HIV at teenage pregnancy. RNT/JGC