Pinakamahabang tulay sa N. Mindanao, makukumpleto na – DPWH

Pinakamahabang tulay sa N. Mindanao, makukumpleto na – DPWH

December 8, 2022 @ 3:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Malapit nang matapos ang pinakamahabang tulay sa Northern Mindanao na pinondohan ng P7.375 bilyon sa pamamagitan ng loan agreement sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Korean Export Import Bank.

Ang Panguil Bay Bridge ay may habang 3.17 kilometer na magkokonekta sa bayan ng Tangub sa Misamis Occidental sa munisipalidad ng Tubod sa Lanao del Norte.

Sinabi ni DPWH Secretary Manuel M.Bonoan na hindi lamang tinitiyak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ang pagpapatuloy ng mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura na sinimulan ng nakaraang administrasyon kundi layunin din na mapabilis ang pagkumpleto upang maibalik ang Pilipinas sa daan patungo sa pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya.

Ang DPWH ay patuloy na nagpapahusay at nagpapalawak ng mga kapasidad ng road network sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga inter-island bridges upang matugunan ang tumataas na pangangailangan ng ekonomiya ng Pilipinas.

Sa sandaling matapos ang tulay, mababawasan na ang oras ng biyahe sa pagitan ng Lanao Del Norte at Misamis Occidental mula dalawang oras nang pitong minuto na lamang. Jocelyn Tabangcura-Domenden