Pinakamatagal ng NPA Guerrilla sa M’danao nabuwag ng militar

Pinakamatagal ng NPA Guerrilla sa M’danao nabuwag ng militar

June 14, 2022 @ 11:54 AM 2 weeks ago


DAVAO CITY- Nabuwag ng militar ang isa sa pinakamatagal na grupo ng New People’s Army (NPA) ang Guerrilla Front 2 na kumikilos sa Mindanao matapos sumuko ang matataas na opisyal kabilang ang mag-asawa nitong Biyernes sa Davao de Oro.

Ayon kay Lt. Gen. Greg Almerol, Eastmincom commander, sumuko sa 10th Infantry Division ng Army (10ID) sa bulubunduking bahagi ng Maragusan, Davao de Oro, noong Hunyo 10, 2022.

Kabilang sa mga ito ay pinangalanan lamang bilang “Dandan,” front secretary sa ilalim ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) ng NPA, at ang kanyang asawa na kasama sa partido na kilala bilang si Jeg o JR, commanding officer ng unit.

Kasama rin sa sumuko ang kanilang squad leader at squad supply officer ng sub-unit sa ilalim ng SMRC.
Sinabi ni Almerol ang GF 2 ay isa sa pinakamatanda sa larangan ng Gerilya sa bansa kasama ang GF3, na unang idineklara na “binuwag” noong Abril na kapwa kumikilos sa rehiyon ng Davao.

Aniya, kaya nagdesisyon sumuko na lamang ang komunistang grupo bunsod na rin ng matinding kampanya ng 10ID laban sa mga teroristang grupo.

Dagdag pa rito ang naiulat ng militar na tinakasan ang gerilyang grupo ng kanilang pinaka-mataas na lider na si Eric Jun Casilao, SMRC’s secretary nitong nakaraan buwan at tinangay ang pera ng grupo na umabot sa P6Milyon.

Dagdag pa ni Almerol na ang pagkakabuwag ng GF2 at GF3 ay tanda na tuluyan ng mabubuwag ang teroristang NPA sa bansa.

Nanawagan naman ang militar sa mga natitira pang rebeldeng grupo na sumuko na at samantalahin ang pagkakataon na ibinibigay na benepisyo ng pamahalaan ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program.

Ang CPP-NPA ay nasa talaan bilang isang teroristang organisasyon ng Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at Pilipinas.

Pormal na itinalaga ng Anti-Terrorism Council ang National Democratic Front bilang isang teroristang organisasyon noong Hunyo 23, 2021, na binanggit ito bilang “isang integral at hindi mapaghihiwalay na bahagi” ng CPP-NPA na itinatag noong Abril 1973./Mary Anne Sapico