Pinakbet garden ilulunsad ng mga magsasaka sa S. Kudarat

Pinakbet garden ilulunsad ng mga magsasaka sa S. Kudarat

January 26, 2022 @ 6:56 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Matapos na pagkalooban ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng iba’t ibang kagamitan at kinakailangan sa pagtatanim, palalakasin ng Silang Agrarian Reform Beneficiaries Association (SARBA) ang Vegetable gardening project sa bayan ng Bagumbayan.

Tinawag na “pinakbet garden” ng mga magsasakang-kasapi ng SARBA, isang DAR-assisted organization, kung saan ang proyekto ay inaasahan na magbibigay ng karagdagang kita sa mga magsasaka at magiging bahagi ng napapanatiling mapagkukunan ng pagkain ng kanilang bayan sa gitna ng pandemya.

Kaugnay nito ang mga gulay gaya ng talong, okra, kalabasa, kamatis at iba pa, ay itatanim sa 5,000-metro-kwadradong lupain at inaasahang maaani sa loob ng tatlo o apat na buwan.

Samantala ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Mary Jane Aguilar, ang mga farming kits, na binubuo ng mga binhi, pataba at kagamitan sa pagtatanim, ay ipinamigay sa ilalim ng Buhay sa Gulay project.

“Ang Buhay sa Gulay project ay nakadisenyo bilang isang self-help start-up livelihood project. Layunin nito na mabawasan ang kahirapan at kagutuman sa mga kanayunan,” aniya.

Idinagdag din ni Aguilar na ang Buhay sa Gulay Project ay ipinapatupad ng ahensiya sa buong kabayanan upang makatulong sa seguridad ng pagkain ng bansa at makapagbigay din ng iba pang mapagkukuhanan ng kita ng mga magsasaka.  Santi Celario