Pinal na desisyon ng SC sa quo warranto case ni Sereno, ginagalang ng Malakanyang

Pinal na desisyon ng SC sa quo warranto case ni Sereno, ginagalang ng Malakanyang

June 19, 2018 @ 2:41 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Ginagalang ng Malakanyang ang anumang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa quo warranto case ni dating Supreme Court  Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ang katuwiran ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go ay may separation of powers ang Executive at ang Judiciary branch of government kaya naman dapat na lamang respetuhin ang desisyon ng mga mahistrado.

Ang mga opisyal ng Judiciary branch lang din ang  nag-settle ng isyu sa kanilang nasasakupan.

At para naman kay Presidential spokesperson Harry Roque, nabasura na ang Motion for Reconsideration na inihain ng kampo ni Sereno kaya’t makabubuting irespeto na lamang ang anumang desisyon ng Korte Suprema sa usaping ito.

“Well, unang-una po, nagdesisyon na po ang Korte Suprema. Nagkaroon na po ng desisyon sa Motion for Reconsideration ni dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Nabasura na ang kanyang Motion for Reconsideration,” ayon kay Sec. Roque.

Matatandaan na itinuturo ni Sereno si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.

Sa ulat, binasura ng Korte Suprema ang apela ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaugnay sa quo warranto case petition laban sa kaniya.

Sa botong 8-6, tuluyan nang pinatalsik sa puwesto ng mga mahistrado si Sereno.

Ang pagtalakay sa apela ni Sereno ay kabilang sa walumpu’t anim na agenda sa en banc session ng mga mahistrado ngayong araw.

Ayon sa resolution na isinulat ni Associate Justice Noel Tiiam, sinabi niya na kulang sa merito ang apela ni Sereno.

Ipinag-utos naman ng mga mahistrado na maitala agad sa entry of judgement ang nasabing kautusan at wala na itong tatanggapin na anumang pleading na may kaugnay sa naturang kaso.

Muli ring ipinaalala ni Tiiam sa Judicial and Bar Counsil na agad simulan ang proseso ng paghahanap ng kapalit ni Sereno bilang Chief Justice.

Si Sereno ang kauna-unahang babaeng naging chief justice na napatalsik sa pamamagitan ng quo warranto case. (Kris Jose)