Pinalabnaw na coco levy fund law, pinalagan sa Senado

Pinalabnaw na coco levy fund law, pinalagan sa Senado

October 10, 2018 @ 6:23 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Matinding pinalagan ng minorya ang pinalabnaw na Coco Levy Fund Law matapos dagdagan ng Palasyo ang bilang mga kinatawan ng pamahalaan na nagpabansot sa representasyon ng magniniyog sa Board ng Philippine Coconu Authority (PCA).

Sa panayam, sinabi ni Sen. Kiko Pangilinan bukod sa pagbabawas sa kinatawan ng magniniyog, nagkaroon din ng sunset provision ng 25 taon para paggamit ng coco levy fund.

“Pangalawa ay yung oversight review nung batas, sa halip na 10 years ay 6 years,” ayon kay Pangilinan.

‘Pero ang pinaka-concern ko is binago yung komposisyon ng PCA Board. Dinagdagdan ang mga taga-gobyerno. Walo ang taga-gobyerno, anim lang yung farmers representatives at isang private sector, himutok niya.

“So in effect, na-watered down yung boses ng ating mga magsasaka na siya namang dapat ang sa palagay ko ay pinakamalaki ang representation dapat sa board dahil nga coco levy fund ang pinag-uusapan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Pangilinan na hindi katanggap-tanggap pa dito ang pagbabalik ng binagong bicameral conference committee report sa plenaryo upang aprubahan o hindi ang bagong probisyon na inilagay ng Palasyo.

“Unprecedented ito na binalik sa Senado yung napasa na on 3rd reading at naenroll na na bill. Hindi pa ito nangyayari for the last 72 years. At palagay ko may dahilan yun dahil nga hindi magandang precedent ito na mayroong dalawa o tatlong gustong tumutol na nasa gabinete na dahil dito ibabalik yung naipasa ng batas tapos ilalagay yung amendment,” aniya.

“Eh what will stop now other cabinet members in the future to look into the passed measure on third reading, na-transmit na sa Malacanang, tapos sasabihin ng ilang mga miyembro ng gabinete hindi maganda yan kaya ibalik natin,” dagdag pa niya.

Aniya, kapag isinalang sa plenaryo ang bagong bersiyon na committee report, mahigpit na nilang tututulan ang panukala dahil taliwas ito sa intensiyon ng batas na bigyang katarungan ang matagal nang paghihirap ng magniniyog dahil di nila magamit ang perang kinuha sa kanila ng diktaduryang Marcos.

“My concern here is it is an injustice to the farmers who have struggled for many years, almost four decades since the coco levy tax was imposed. Dahil sila ang pinatawan ng buwis, yung pondo nila ang ginamit, yung pondo nila ang nagpayaman sa ilang mga malalaking kumpanya pati ang mga bangko pero ngayon pag usapin na ng magagamit ba nila o hindi yung nasabing pondo, eh yung boses nila ay hindi na sila ang majority,” paliwanag ni Pangilinan.

“This again is an injustice and for that, when it’s presented on the floor, we will vote against it,” aniya.

Ayon pa kay Pangilinan, tinanggal din ng Palasyo ang salitang “mandated” na magbibigay ang pamahalaan ng P10 bilyon kadataon bilang appropriation sa PCA.

“Tinanggal lang nila yung word ‘mandated’ which means therefore that it may or may not. That is my understanding,” himutok pa ni Pangilinan. Ernie Reyes