Pinalawak na benepisyo para sa solo parents, ikinagalak ni Sen. Go

Pinalawak na benepisyo para sa solo parents, ikinagalak ni Sen. Go

June 29, 2022 @ 3:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nauunawaan ang hirap na kinakaharap ng solo parents sa pag-aaruga sa kanilang pamilya, ikinagalak ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang pagpapatibay sa Republic Act No. 11861 na nag-aamyenda sa RA 8972 o Solo Parents’ Welfare Act of 2000 para magbigay ng karagdagang benepisyo sa solo parents.

Binigyang-diin ni Go, isa sa may-akda at co-sponsor ng panukala sa Senado, ang solo parents ay tumatayong breadwinner at caregiver ng kanilang pamilya.

Kaya naman ani Go, dapat silang kilalanin nang naaangkop at bigyan ng lubos na suporta upang magkaroon ng komportableng buhay.

“The privileges and benefits awarded to them before this law are insufficient for the complexity of their needs. It is just right to give them the additional support they need and benefits they deserve,” ayon sa senador.

Ayon sa batas, dapat bumuo ang pamahalaan ng isang komprehensibong programa na tinatawag na Package of Social Protection Services para sa solo parents at kanilang mga anak.

Ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay kinakailangang makibahagi sa programang ito upang magsagawa ng mga serbisyo at pagtataguyod sa solo parents, kabilang ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, at Department of Education.

Ilan sa mga benepisyong matatamasa ngayon ng solo parents ay ang karagdagang tulong pinansyal para sa mga kumikita ng minimum na sahod o mas mababa; 10% na diskwento sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at micronutrient supplements, diapers, at duly prescribed medicines para sa kumikita ng mas mababa sa P250,000 kada taon; at pagbibigay-prayoridad sa mga programa sa pabahay at kabuhayan mula sa gobyerno.

“Kabilang sa mga karagdagan pang benepisyong ito ang pagbibigay ng espesyal na diskwento sa mga pangunahing bilihin, tulad ng gatas, pagkain ng sanggol at gamot.  Magbibigay din ng scholarship programs ang DepEd, CHED at TESDA para sa solo parents,” paliwanag pa ng senador.

Upang higit na matulungan sila sa kanilang kapaligiran sa pagtatrabaho, ang batas ay magbibigay din ng 7 araw na parental leave na may bayad para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno o pribadong sektor;  at isang komprehensibong pakete ng serbisyo sa proteksyong panlipunan, tulad ng mga serbisyo sa pagpapaunlad ng kabuhayan, mga serbisyong legal at pagpapayo.

Naniniwala ang senador na ang batas na sumusuporta sa solo parents sa Pilipinas ay nagpapatibay sa adhikain ng bansa para sa isang mas malakas at mas inklusibong bansa.

“Ang mga pagbabagong ito ay makakatulong sa maraming solong magulang hangga’t maaari, upang matulungan silang bumuo ng isang mas matatag na pamilya, at upang suportahan sila bilang mga produktibong miyembro ng lipunan,” sabi ni Go. RNT