Pinalawig na benepisyo ng solo parents, lusot na sa Senado

Pinalawig na benepisyo ng solo parents, lusot na sa Senado

December 14, 2021 @ 8:35 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na nagpapalawig ng benepisyo sa mga solo parent.

Sa botong 22 pabor at walang tumutol, lusot na sa Mataas na Kapulungan ang Senate Bill No. 1411 o ang panukalang Expanded Solo Parents Welfare Act.

Kapag naging batas, mabibigyan ng P1,000 cash subsisy kada buwan ang mga solo parent, kasama rin dito ang awtomatikong PhilHealth coverage, at apprenticeship programs sa TESDA na maaaring mapakinabangan ng solo parent at ng kanyang anak.

Ang kaparehong bersyon sa Kamara ay nauna nang naaprubahan nitong taon.

“Bilang solo parent, hindi matatawaran ang saya ko. Siyempre, tagumpay rin ito ng kapwa ko solo parents na walang humpay ang pagpursigeng mapabuti ang kalagayan ng aming mga anak,” ani Senator Risa Hontiveros na nagpahayag ng pagkatuwa sa pagpasa ng batas.

Sinabi rin ni Risa na siyang chair ng Senate Committee on Women and Children, na kapag naging batas, magiging malaking tulong ito sa mga solo parent na lubos ding naapektuhan ng pandemya.

“Habang may pandemya, mas lalong mahalagang mapabilis pa ang pagsabatas nito,” aniya pa.

“Naging mahirap ang pagtulak sa (Itwas difficult to push for the Expanded Solo Parents Welfare Act, pero saksi ako sa tiyaga ng mga solo parents sa pagkampanya para sa pagpasa nito, kaya’t lubos ang aking pasasalamat dahil hindi kami bumitaw sa laban,” dagdag pa ni Hontiveros.

Sa nasabing panukala, pinalalawig din nito ang depinasyon ng “solo parent” kung saan kasama ang asawang lalaki o babae ng “low or semi-skilled overseas Filipino worker (OFW)” tulad ng nagtrabaho sa construction at maging ang factory workers at domestic workers, na patuloy na nagtatrabaho abroad ng isang taon o higit pa.

Kinikilala ring solo parent ng panukala ang mga foster parent na kinikilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga kamag-anak na mayroon nang sariling responsibilidad sa mga bata.

“Kinikilala natin na maraming klase ng ‘solo parent.’ Kinikilala rin natin na mas mahaba ang responsibilidad ng mga solo parents ngayon, lalo na sa usapin ng edukasyon dahil sa kasalukuyang K-12 system,” giit ng senadora.

“Kaya naman imbes na 18 years old lang, pwede pa ring makatanggap ng benepisyo ang solo parent hanggang tumuntong ang aming dependent ng 22 years old.”

“Ang pagpasa ng Expanded Solo Parents Welfare Act ay pagpapatunay na ang solo parents ay may mga kakampi sa gubyerno, aniya pa.  RNT