Pinara sa trapik; Sekyu sinagasaan, tinakbuhan ng suspek

Pinara sa trapik; Sekyu sinagasaan, tinakbuhan ng suspek

June 6, 2022 @ 1:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nananatiling under observation sa pagamutan ang security guard na isinugod ng mga kasamahan matapos siyang mabundol at masagasaan ng isang SUV na pinatigil niya habang nagsasaayos ng traffic malapit sa isang mall sa Mandaluyong City Linggo.

Sa kuha na cellphone video ng isang Katherine Kaye, makikitang ginulungan ng SUV sa katawan ang security guard makaraang mabundol ng sasakyan.

Ayon naman sa salaysay ni Ralph Centeno, driver ng katabing sasakyan nang nanagasang SUV hindi nila akalain na tutuluyang sasagasaan ng driver ang security guard.

“Pinatigil kami pareho para dumaan yung pasalubong . For some reason, yung RAV 4 ayaw niya tumigil. Binundol niya, tapos nung bumagsak, sinagasaan pa. Kitang kita ko dumaan ang gulong sa torso ng mama,” sabi ni Centeno sa report.

Agad namang naitawag ng mga kasama sa security agency ang insidente kaya agad na nasaklolohan ang biktima at dinala sa ospital.

Hanggang sa ngayon ay walang detalye Mula sa pulisya sa pagkakakilanlan ng biktima, at ng driver/suspek sa insidente. Dave Baluyot