Pinas ‘Asia’s leading dive, beach destination’ sa 2022

Pinas ‘Asia’s leading dive, beach destination’ sa 2022

September 8, 2022 @ 2:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Muling pinangalanan ang Pilipinas bilang nangungunang dive at beach destination sa Asya ng 2022 World Travel Awards (WTA) sa Vietnam noong Setyembre 7.

Habang nabawi rin ng Intramuros ang titulo nito bilang nangungunang tourist attraction sa Asia.

Ikinatuwa ni Tourism Secretary Christina Frasco nitong Huwebes ang back-to-back win, na sinasabing nagpapatunay ito sa kagandahan ng Pilipinas.

“The Philippines is a beautiful country and you (WTA) having given these awards is such an affirmation to all of our tourism stakeholders and workers who have greatly sacrificed throughout the pandemic,” anang kalihim.

Ginawaran ng WTA ang Pilipinas sa ikaanim na pagkakataon bilang nangungunang beach destination sa Asya na naungusan ang India, Indonesia, Malaysia, Sri Lanka, Thailand at Vietnam, at kasabay nito ay pagkamit ng titulong Asia’s Leading Dive Destination sa loob ng apat na sunod na taon mula noong 2019, na nangunguna sa Indonesia, Malaysia at Thailand.

Sinabi ni Frasco na pinatibay ng dive citation mula sa WTA ang premise ng DOT sa pagho-host ng Philippine International Dive Expo (PHIDEX) 2022, na itinuturing na pinakamalaking platform ng bansa para mag-network at magsulong ng dive industry.

Ang Philippine Commission on Sports Scuba Diving, isang attached agency ng DOT na namamahala sa marine sports, ay naglaan kamakailan ng budget na PHP9.53 milyon sa unang pagkakataon ng pambansang pamahalaan para sa mas pinaigting na dive tourism promotion at development.

Samantala, ang Intramuros ay nanalo sa iba pang mga katunggali gaya ng Angkor Temples of Cambodia; Borobudur Temple Compounds ng Indonesia; Ha Long Bay ng Vietnam; Sengan-en at Shoko Shuseikan Museum ng Kagoshima sa Japan; Taj Mahal ng India, teamLab SuperNature ng Macao, Great Wall, The Forbidden City, at Terracotta Warriors, lahat sa China; Tokyo Imperial Palace ng Japan; at Victoria Peak ng Hong Kong. RNT