Pinas ‘di magkaka-COVID vax kung ‘di dahil kay PRRD – Roque

Pinas ‘di magkaka-COVID vax kung ‘di dahil kay PRRD – Roque

March 5, 2021 @ 3:02 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kung hindi si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Presidente ng bansa at nagkataon na iba ang nakaupong Pangulo ay sigurado na wala kahit na isang coronavirus (COVID-19) vaccine dose ang Pilipinas.

Ito’y sa kabila ng ayaw ni Pangulong Duterte na kunin ang kredito ng matagumpay at nagpapatuloy na pag-rolled out ng vaccination program ng pamahalaan laban sa COVID-19 ngayong Linggo.

Sa naging talumpati ni Sec. Roque sa idinaos na vaccination launch sa Davao City araw ng Biyernes, pinasalamatan nito ang Davaoeños dahil hinayaan ang Pilipinas na magkaroon ng isang Pangulong Duterte.

“Patuloy po akong nagpapasalamat dahil ipinahiram ninyo sa amin ang Presidente Rodrigo Roa Duterte. Kung hindi po ngayon ipinahiram sa bansang Pilipinas ng Davao ang ating Presidente siguro po ngayon wala pa ring bakuna,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Binanggit din ni Sec. Roque kung papaano ang bansa ay nakatanggap ng 600,000 doses ng CoronaVac vaccines mula China at 487,200 doses ng AstraZeneca shots mula naman sa COVAX Facility ngayong Linggo.

Naging posible aniya ito dahil sa independent foreign policy ni Pangulong Duterte.

“Kung tayo po ay nag-rely lamang po roon sa dati nating sinasandalan na bansa, hanggang ngayon po wala sana tayong natanggap na mga bakuna.”

“Sana po wala ng magdududa na tama po ang ginawang polisiya ng ating Presidente dahil kung wala po itong polisiyang ito, wala nga pong bakuna ngayon,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Samantala, nitong Lunes, sa public address ni Pangulong Duterte ay binigyang kredito ng Chief Executive ang mga mamamayang Filipino sa COVID-19 vaccines na natanggap ng Pilipinas bilang donasyon mula sa gobyernong Tsina.

“I do not want to grab the credit. The credit is (due to) the Filipino people, (who) inspired us to crank our grey matter between the ears on how really can we muster a good plan,” aniya pa rin.

Sa kasalukuyan, binabakunahan na ng pamahalaan ang mga health worker sa bansa gamit ang 600,000 doses of CoronaVac na dinonate ng Chinese government.

Habang wala pa namang depinidong petsa kung kailan naman ipamamahagi ang AstraZeneca vaccines mula COVAX Facility. Kris Jose


  •  
  •  
  •