Pinas ‘di na bibili ng COVID vaxx; 20M doses napanis

Pinas ‘di na bibili ng COVID vaxx; 20M doses napanis

August 16, 2022 @ 9:51 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi na bibili ang Pilipinas ng anumang mga bakuna para sa COVID-19 sa taong ito.

Ito ay matapos ihayag ng Department of Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire ang pagkapanis ng 20.66 milyong doses ng COVID-19 vaccines o aabot sa 8.42%.

Sinabi ni Senator Risa Hontiveros na halos doble ito sa 4.7% na pag-aaksaya ng bakuna noong Hunyo.

“At this rate, Mr. Chair, by October, lalampas na tayo sa threshold ng World Health Organization at acceptable vaccine wastage limit na 10% so we might have accumulated vaccines faster than we could administer them,” ani Hontiveros sa pagharap kay Senate committee on health chairman Christopher “Bong” Go.

Idinagdag ni Hontiveros na sa ₱500 kada doses na nasasayang sa bakuna, nasa humigit-kumulang ₱10.33 bilyon na ang nasayang.

Ayon sa datos na ibinahagi ni Health Undersecretary Ma. Carolina Vida-Taiño, mga 19 milyong doses  ang nag-expire. Ito ay mula sa mga donasyon, at mga bili ng mga local government unit at pribadong sektor. Wala sa mga nabili ng pambansang pamahalaan ang nag-expire, ani Vergeire.

Mabuti na lamang ay papalitan itong lahat ng COVAX facility ayon pa kay Vergeire.

Target ngayon ng DOH na makapagbakuna ng booster shot sa 50% na karapat-dapat na populasyon hanggang Oktubre 8.

Sa ngayon, 21% lamang ng target na populasyon ang nakatanggap ng kahit isang booster shot. Sinisisi naman ng DOH sa “sobrang kumpiyansa” ng publiko ang mababang bilang na ito. RNT