Pinas gagawing agriculture resource hub sa Asya ni Marcos

Pinas gagawing agriculture resource hub sa Asya ni Marcos

October 7, 2022 @ 8:41 AM 6 months ago


MANILA, Philippines – Target ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na gawin ang Pilipinas bilang isang agriculture resource hub sa Asya.

Sa kanyang talumpati sa opening ceremonies ng Agrilink, Foodlink, Aqualink Trade Fairs 2022 sa World Trade Center sa Pasay City noong Huwebes, muling iginiit ni Marcos na patuloy na palalakasin ng kanyang administrasyon ang suporta nito sa mga magsasaka at mangingisda.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagsisikap ng gobyerno at pribadong sektor na gawing moderno ang agriculture value chain kung saan kabilang sa mga ayudang ibibigay ng gobyerno ang mga binhi,  pataba, makinarya, kagamitan, pasilidad pati na rin ang fingerlings at mga alagang hayop sa mga magsasaka.

Kinilala rin ni Marcos ang pagsisikap ng pribadong sektor na tumulong sa mga hakbangin ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga magsasaka at mangingisda ng access sa mga bagong paraan ng produksyon at marketing ng mga produktong pang-agrikultura.

“With our energies and resources combined, I am confident that we will not only achieve our goal of feeding the Filipino people, but also achieve our dream of making the Philippines a leading agricultural resource hub in the region and the world,” ayon sa Pangulo.

Ang ganitong mga pagsisikap, sabi ng Pangulo, ay magbibigay-daan sa lokal na sektor ng agrikultura na “makahabol” sa mga mula sa ibang bansa matapos mapabayaan sa mga nakaraang administrasyon.

Sa kasalukuyan, sinabi ng Punong Ehekutibo na ang gobyerno ay naglabas ng P590 milyon para sa Rice Farmers Financial Assistance at P320 milyon para sa Fuel Discount Program nito para sa mga Magsasaka at Mangingisda.

Naglabas din ang gobyerno ng P1.54 bilyong halaga ng Quick Response Fund sa 17 milyong magsasaka at mangingisda upang tulungan silang makayanan ang mga epekto ng mga sakuna sa kanilang kabuhayan.

Sa huli, inulit ni Marcos ang kanyang pangako na patuloy na susuportahan ang sektor ng agrikultura sa ilalim ng kanyang administrasyon. RNT