Pinas inaalam pa kung may Pinoy na damay sa Thailand shooting

Pinas inaalam pa kung may Pinoy na damay sa Thailand shooting

October 7, 2022 @ 8:14 AM 6 months ago


MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa Bangkok sa Thai authorities upang alamin kung may Pilipino bang nadamay sa namatay na mahigit 30 katao sa isang madugong krimen sa daycare sa hilagang lalawigan ng Nongbua Lamphu noong Huwebes.

“Ang Embahada ay nakikipagtulungan sa mga awtoridad ng Thai at sa komunidad ng mga Pilipino sa Thailand upang alamin kung may Pilipinong kabilang sa mga nasawi o nasugatan,” anang embahada.

Sinabi ni Ambassador Millicent Cruz-Paredes sa interbyu sa ANC na sa ngayon ay negatibo pa ang ulat na may Pinoy na nadamay sa insidente.

“We have already contacted the Royal Thai Police asking for information kung mayroon po bang nadamay na Pilipino. Sa awa po ng Diyos, hanggang ngayon, wala pa naman kaming natatanggap na balita tungkol diyan,” aniya.

Sa kabila nito, sinabi ng Embahada na handa silang magbigay ng kinakailangang tulong sa sinumang apektadong Pilipino.

“We are one with the people of Thailand in sorrow and in shock over this tragedy. At kami po ay nakikiramay sa mga pamilya ng biktima. At sana nga po ay hindi na lumala ang nangyari,” dagdag pa ni Cruz-Paredes.

Ang suspek, isang dating pulis, ay pumatay ng hindi bababa sa 37, higit sa 20 sa kanila ay mga bata sa isang kutsilyo at pag-atake ng baril sa isang child care center.

Pagkatapos, binaril niya ang kanyang asawa at anak sa bahay bago pinatay ang sarili.

Ang mga ulat ay nagsabi na ang salarin ay sinibak noong Hunyo dahil sa paggamit ng droga. RNT