Pinas ipinagbawal lahat ng flights galing Hong Kong- NTF spox

Pinas ipinagbawal lahat ng flights galing Hong Kong- NTF spox

November 28, 2021 @ 1:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinuspinde na rin ng Pilipinas ang inbound flights galing Hong Kong matapos ang naiulat na kaso ng bagong coronavirus disease (COVID-19) variant sa teritoryo, ayon sa tagapagsalita ng National Task Force (NTF) Against COVID-19  nitong Linggo.

Kabilang ang Hong Kong sa South Africa at anim pang bansa na ipinagbabawal ang pagpasok sa Pilipinas  sanhi ng banta ng Omicron variant.

“Binan po [natin] lahat ng country na may na-detect na variant. So Hong Kong, may na-detect po diyan, so kasama na rin po iyon,” ani NTF Spokesperson Restituto Padilla sa TeleRadyo.

Matatagpuan sa Hong Kong ang maraming overseas Filipino workers, ilan sa mga ito ang inaasahang uuwi sa pagsapit ng kapaskuhan.

Subalit sinabi ni Padilla na hindi makakauwi ang mga Pilipino galing Hong Kong sanhi ng border control.

“Ang movement po ng Filipino ay hindi pinagbabawal. Pero ‘yong flight na kanilang sasakyan na papunta dito, pinagbabawal. So kung wala silang masasakyan, wala rin silang means para makarating,” ani Padilla.

Idinagdag pa niya na hindi naman pagbabawalan ang mga Pilipino na pumasok sa bansa ngunit sasailalim sila sa mahigpit na quarantine. RNT/SA