PINAS ISINASANGKOT SA TAIWAN WAR; PAYAG BA TAYO?

PINAS ISINASANGKOT SA TAIWAN WAR; PAYAG BA TAYO?

February 2, 2023 @ 1:35 PM 2 months ago


LUMALABAS sa mga balita na maaaring magkagiyera ang United States at China kaugnay sa agawan sa Taiwan sa loob ng dalawang taon o hanggang 2025.

Si United States Air Mobility Command, General Mike Minihan ang nagsasabi nito.

Maaaring simulan umano ng China na kunin nang sapilitan ang Taiwan na itinuturing nitong bahagi ng kanyang teritoryo at itataon ang giyera sa presidential elections sa US sa taong ito.

Kasabay ng pagsasalita ni Minihan, umiikot naman si North Atlantic Treaty Organization Secretary General Jens Stontelberg na kung gaano kahalaga ang Europa sa Asya, gayundin ang Asya sa Europa.

Pumunta naman dito sa Pinas si U.S. Defense Secretary Lloyd Austin na nagsabing nais nitong dagdagan ang mga pwesto ng militar sa Pilipinas ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Sa kasalukuyan, klarong isasailalim sa EDCA ang Cesar Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airfield sa Cagayan De Oro; Antonio Bautista Airbase sa Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base in Cebu.

Sinasabi naman ni Gregory Poling, ng Washington’s Center for Strategic and International Studies think tank, kailangan ang mga dalampasigan sa hilaga o north Luzon na tatamnan ng shore-based missile bilang pamigil sa kilos ng China laban sa Taiwan.

At sa pagbisita ni Austin, sinasabing apat na base militar ang idaragdag sa nasabing base ngunit lahat itatayo sa Luzon dahil pinakamalapit ito sa Taiwan habang isa ang itatayo sa Palawan para naman sa problema sa Spratlys.

Biglang kong naalala ang nagaganap sa Ukraine na kalaban ang Russia.

Durog na durog na ang Ukraine sa mga bomba, missile, sumasabog na drone, 100,000 patay na sundalo, libo-libong patay na sibilyan, kasama ang mga namamatay na maysakit dahil sa kawalan ng kuryente dahil giba-giba ang suplay ng kuryente ngayon.

Handa ba tayong Pinoy na matulad sa Ukraine na giyera ng US at Russia?