Pinas kinukulang na sa suplay ng fertilizer – DA

Pinas kinukulang na sa suplay ng fertilizer – DA

May 24, 2022 @ 6:35 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inamin ng Department of Agriculture (DA) na kinukulang ang suplay ng pataba o fertilizer sa bansa dahil sa mataas na presyo at demand nito.

Sa isang interbyu, sinabi ni Myer Mula ng DA-Fertilizer and Pesticide Authority na nakaasa kasi ang bansa sa pag-angkat ng pataba na apektado ang presyo at suplay bunsod ng COVID-19 pandemic at nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

“Nagkaroon tayo ng price increase due to logistics. Labor, hahabulin nila ‘yan kaya everything will increase,” saad ni Mula.

Bukod sa Pilipinas, tumaas din ang demand ng pataba sa iba pang mga bansa gaya ng China, Amerika, India, Australia, at Brazil.

Maging ang China na isa sa mga bansang exporter ng fertilizer ay naghigpit ang inspeksyon at quarantine kaya nabawasan din ang dami mga patabang kanilang iniluluwas.

Samantala, apektado rin ng pagsipa ng presyo ng langis ang presyo ng fertilizer dahil by-product ito ng oil industry.

Ayon sa DA, nasa 200,000 hanggang 300,000 metric tons ng fertilizer ang kakailanganin ng bansa para sa darating na cropping season.

Kaugnay nito, nakikipag-usap na ang bansa sa Russia para mapunan ang demand natin sa pataba. RNT/ JCM