Pinas mag-aangkat ng 21,060MT sibuyas

Pinas mag-aangkat ng 21,060MT sibuyas

January 10, 2023 @ 3:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- May “go” signal na ang Department of Agriculture (DA) para sa importasyon o pag-angkat ng 21,060 metriko tonelada ng sibuyas para punan ang supply gap at pigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng kalakal sa pamilihan.

Dagsa ang mga mamimili sa Department Of Agriculture(DA) Kadiwa Center para sa P170 kada kilong sibuyas. (Larawan kuha ni Danny Querubin)

Sa isang liham sa Bureau of Plant Industry (BPI)-licensed onion importers na may petsang Enero 6, sinabi ng DA na magpapalabas ito ng sanitary at phytosanitary import clearance (SPSIC) para sa pag-angkat ng “fresh yellow at fresh red onion” mula Enero from 9 hanggang Enero 13, 2023.

Binigyan naman ang mga licensed importers ng hanggang Enero 27, 2023 para sa kanilang shipments na darating sa bansa.

Ang volume na pinapayagan para sa importasyon ay  “Fresh yellow onion – 3,960 metric tons at Fresh red onion – 17,100 metric tons.”

“One SPSIC of 25 metric tons for yellow onions and two SPSIC for 50 metric tons for red onions will be issued equally to all licensed importers during the issuance period. Importers who failed to utilize the issued SPSIC will not be eligible to apply for the succeeding issuances of SPSIC for fresh onion,” ayon sa ulat.

Target ng importasyon “to address the supply gap prior to peak harvest in 2023 and to stabilize the continuous increase in price of fresh onions in the market.”

Sa kabilang dako, sinabi ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez na tinitingnan ng departamento ang price manipulation bilang isa sa mga dahilan ng mataas na presyo ng sibuyas sa public markets.

Nakatanggap din aniya siya ng report na may ilang “negotiations” ang nangyari sa Moncada, Tarlac at Bongabon, Nueva Ecija kung saan ang mga ahente ay nagbebenta ng “standing crops of onions” sa mataas na halaga.

“At P350… i-times two mo ‘yan, patungan ng traders hanggang sa retailers, P700 pa rin. Kung mababa ang presyo sa ating mga farm gates, sana masawata natin itong pagtaas presyo doon sa ating mga traders,” ayon kay Estoperez.

“Pero ‘yung manipulation, pumapasok ho do’n sa ano eh… Ito ang pagkukulang ng Department of Agriculture, ‘yung sa supply chain. ‘Yung may ahente na, may traders pa. Ang sasabihin nila na kulang ang gastos nila sa pag-transport ng sibuyas from the production area to the market. Mukhang ‘yun ang malaki po,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose