Pinas, mag-aangkat ng asin – DA

Pinas, mag-aangkat ng asin – DA

September 7, 2022 @ 11:10 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Mag-aangkat ang Pilipinas ng asin habang nahaharap ang bansa sa maraming usapin na may kinalaman sa suplay at lokal na produksyon.

“Ang asin talagang nag-iimport tayo diyan. We have P100 million to start for this season. And we hope and anticipate that we should be able to do something about it,” ayon kay Department of Agriculture (DA) Undersecretary Domingo Panganiban.

Nauna rito, sinabi ni Panganiban na ang kakulangan sa asin sa bansa ay bunsod ng kapabayaan sa industriya sa  nakalipas na taon kabilang na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Aniya, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagagamit ng BFAR  ang P100 milyong pisong budget  para sa 2021 pra palakasin ang  salt production sa bansa.

“For the last two to three years, wala akong nakitang activity na ginagawa ng BFAR kundi kumuha ng pera at pabayaan,” ayon kay Panganiban.

“Sa katunayan nga may P100 million pa sila ng 2021 na naka-program sa kanila pero hindi pa na-release sa kanila at na-follow up,” dagdag na pahayag ni Panganiban.

Buwan ng Agosto, sinabi ng  BFAR  na naglaan ito ng  P100 milyong halaga ng pondo para palakasin ang salt production sa bansa para sa taong 2022.

Isiniwalat naman ng administrasyong Marcos ang plano nito para palakasin ang  salt production sa bansa.

Ayon sa Office of the Press Secretary, ang DA, pinamumunuan ngayon ni  Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang  siyang mangunguna para sa local salt production. Kris Jose